Suspek ng vaccine slot for sale, nasa kostudiya na ng pulisya —Abalos

Suspek ng vaccine slot for sale, nasa kostudiya na ng pulisya —Abalos

NASA kostudiya na ng Philippine National Police (PNP) ang suspek na si Kyle Bonifacio na hinihinalang nasa likod ng vaccine slot for sale.

Ito ay ayon mismo kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos Jr.

“Sinabi nga namin, we still have to review the national laws that we have right now. Meron tayong estafa, swindling, conspiracy at Bayanihan Law,” pahayag ni Abalos.

Ani Abalos, nakasaad sa Bayanihan Law na maaaring makulong ang sinuman na nagti-take advantage sa sitwasyon.

Bukod pa rito, napagkasunduan ng mga Metro Manila mayor na ipaubaya muna ito sa mga city legal officer ang ganitong mga kaso.

Samantala, magpupulong pa muli ang mga Metro Manila mayor hinggil sa kung kailangan nang gumawa ng uniform ordinance para maiwasan ang pagbebenta ng COVID-19 vaccine slot.

Mga bibili ng COVID-19 slots, makukulong din — MMDA

Samantala, posibleng makukulong din ang mga indibidwal na bibili ng slots sa iligal na “vaccine slot for sale” scheme.

Ito ang naging babala ni Abalos sa publiko sa gitna ng kumakalat na ulat na bentahan ng COVID-19 vaccines at COVID-19 slots sa Mandaluyong at San Juan City.

Ayon kay Abalos, maituturing na conspiracy ang pagbili ng bakuna.

Sinabi ng MMDA Chairman na tinitingnan na nila ang iba pang posibleng suspek na sangkot sa sinasabing scheme matapos sumuko sa Mandaluyong ang isang suspek nito na si Kyle Bonifacio.

(BASAHIN: Suspek sa ‘bakuna for sale’ scheme, sumuko sa Mandaluyong City)

SMNI NEWS