IPINABATID ng legal counsel ni suspended BuCor chief General Gerald Bantag na si Atty. Rocky Thomas Balisong na wala pang subpoena na naihain laban sa kaniyang kliyente.
Bago mag alas otso, Biyernes ng umaga, dumating sa Department of Justice (DOJ) Atty. Rocky Thomas Balisong para kunin sana ang subpoena laban sa kaniyang kliyente.
Pero ayon kay Atty. Balisong, hindi pa naihahanda ng panel of prosecutors ang subpoena.
Una nang sinabi ng DOJ na iisyuhan ng subpoena ang suspended BuCor chief.
“Ang purpose sana namin is to pick up the subpoena, kasi nga wala pang nare-receive si General Bantag. Sinasabi kasi ng mga news na yong subpoena ay hindi nareceive dahil wala nga daw tao doon sa address,” ayon kay Atty. Rocky Thomas Balisong, Legal Counsel ni Bantag.
“Minabuti namin, nag-usap kami ni DG, sabi kunin na lang namin sa DOJ so bumaba kami kanina, sabi ng in charge, nasa panel pa, ibaba pa sa kanila saka nila iseserve yong subpoena,” dagdag pa nito.
Aniya, hindi nagtatago ang kaniyang kliyente, pero bago aniya sila sumagot sa mga paratang, kailangan aniya nilang makita muna ang asunto laban kay Bantag.
“Kaya nga gusto namin, makuha yong subpoena with attached complaint and affidavit of the witnesses para masagot namin, we will submit his counter affidavit, haharapin niya ito dahil gusto niyang malinis ang pangalan niya,” saad ni Atty. Balisong.