NAGSIMULA nang magsampa ng reklamo ang bagong pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga tax evaders.
Nobyembre 4 ng kasalukuyang taon nang gawin ng BIR ang raid sa isang tindahan ng vape products sa Intramuros, Manila.
Pagkatapos nito ay ni-raid din ng BIR ang tindahan ng mga ito sa Quiapo, Maynila dahil sa pagtitinda ng mga vape product na hindi rehistrado sa BIR.
Araw ng Martes, Disyembre 13 nang tumungo naman sa DOJ ang BIR sa pangunguna ni bagong BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. para pormal nang sampahan ng tax evasion charges ang may-ari ng tindahan.
Ang mga respondents sa reklamo ay sina Wei Feng Bao A. K. A., Sofi Chua, Christina Poa, Sandoval Briones, Jimy Go, at Bibiano Lesaca.
Ayon kay Lumagui, nasa P1.2-B ang buwis na hindi nila binayaran kasama na ang penalty dahil sa hindi pagpaparehistro ng kanilang negosyo o produktong itinitinda.
Ayon kay Lumagui, hindi dapat sa raid dapat magtapos ang paghahabol sa mga illegal traders.
Aniya hahabulin at sasampahan ng reklamo ng ahensiya ang mga big time evaders sa bansa.
Ito ang kauna-unahang tax evasion complaints na inihain ng BIR sa ilalim ng Marcos administration laban sa mga hindi nagbabayad ng buwis.
Asahan na raw na masusundan pa ito dahil sa mga big time tax evaders.