PATULOY pa rin ang operasyon ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas.
Batay sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), nasa 38 POGO na lang ang lisensiyadong nag-ooperate sa bansa mula sa 43.
Pero ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) tinatayang aabot pa sa 200 ilegal na POGO ang hindi pa tinitigil ang kanilang operasyon.
Iyan ay sa gitna ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyan nang i-ban ang POGO sa bansa.
“That’s the estimate actually about 200 illegal POGOs all over the country. We’re helping also our law enforcement agencies in locating these illegal POGOs nationwide,” saad ni Raul Villanueva, Senior Vice President, PAGCOR.
Aminado si PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva na pahirapan ang pagpapasara sa mga POGO lalo’t kalat ang mga ito at karamihan ay nag-ooperate sa mga subdivision at condominium kung saan hindi sila nahahalata.
Ayon pa kay Villanueva karamihan sa mga ilegal na POGO ay matatagpuan sa mga subdivision sa Metro Manila partikular na sa Parañaque, Alabang, at Las Piñas.
May natanggap din aniya silang intelligence report na may 12 ilegal na POGO sa Cebu Province at isa sa Cagayan de Oro City sa Mindanao.
Batay sa impormasyon ani Villanueva, ang mga POGO sa probinsiya ng Cebu ay nagsimulang mag-operate noong 2020 kahit hindi nabigyan ng lisensiya.
Wala namang impormasyon ang PAGCOR kung may malalaking politiko na nasa likod ng mga pag-operate ng POGO sa Cebu Province.
83% sa mga dayuhang nagtatrabaho sa mga lisensiyadong POGO, nai-revert na ang kanilang mga visa
Kaugnay naman sa visa downgrading ng mga dayuhang nagtatrabaho sa mga lisensiyadong POGO, 83% sa mga foreign worker ang nagboluntaryong i-revert ang kanilang estado mula sa work visa at maging temporary visitor visa na lamang.
Kaugnay rito ay sinabi ng Bureau of Immigration (BIR) na humigit-kumulang 30K dayuhang nagtatrabaho sa POGO ang hindi pa nakapag-down grade ng kanilang mga visa.
Iyan ay ilang araw bago ang deadline nito sa Oktubre 15.
Una na ring nagbigay ng babala ang Immigration na sa pagsapit ng 2025, ang mga tumangging umalis pa rin ng bansa ay maaaring arestuhin, i-deport, at pagbawalan sa muling pagpasok sa Pilipinas.