Tinatayang 40,000 Muslim nagkaisa sa Luneta para gunitain ang Eid’l Adha

Tinatayang 40,000 Muslim nagkaisa sa Luneta para gunitain ang Eid’l Adha

MAAGANG nagtungo sa Luneta ang maraming mananampalatayang Muslim mula sa Metro Manila at kalapit-probinsiya para sa sabayang panalangin sa pagdiriwang ng Eid’l Adha. Isa ito sa pinakamahalagang kapistahan sa Islam na ginugunita bilang simbolo ng sakripisyo at matatag na pananampalataya ni Propeta Ibrahim sa Allah.

Ang Eid’l Adha ay ginaganap taon-taon sa ika-10 araw ng Dhul Hijjah, ang huling buwan sa kalendaryong Islamiko, at kasabay ng pagtatapos ng Hajj, ang banal na paglalakbay sa Mecca.

Pagkatapos ng panalangin, nagbigay ng sermon ang imam upang ipaliwanag ang kahalagahan ng sakripisyo, pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos. Isa sa mga pangunahing tradisyon ng Eid’l Adha ay ang pag-aalay ng hayop gaya ng baka, kambing, o tupa.

Ang karne mula sa kinatay na hayop ay hinahati sa tatlong bahagi: para sa pamilya, sa mga kaibigan o kapitbahay, at para sa mga mahihirap at nangangailangan.

Mahalagang aspeto rin ng pagdiriwang ang zakat o ang obligadong pagbibigay-tulong bilang bahagi ng pananampalataya.

“Yung iba pumupunta sa mga bentahan ng kambing, tapos kinakatay, tapos ipinamimigay kung sino ang gusto, lalo na pinamimigay sa mga taong mahihirap,” ayon kay Sultan Suhaili M. Abangon, Organizer, Eid’l Adha.

Sa Pilipinas, idineklara itong regular holiday alinsunod sa Republic Act No. 9849 upang kilalanin at igalang ang pananampalataya ng ating mga kapatid na Muslim. May mga lokal ding selebrasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya ng Marawi, Cotabato, Basilan, at maging sa mga lungsod gaya ng Maynila at Quezon City na may malaking Muslim community.

Para naman kay Sultan Suhaili Abangon, organizer ng pagtitipon sa Luneta Park, ang tunay na diwa ng Eid’l Adha ay hindi lamang ang panalangin at sakripisyo kundi ang pagkakaisa at pagmamahalan sa bawat isa.

“‘Yun ang pinaka-importante—’yung magmahalan, magkaisa. Isang pinagmulan natin sa Pilipinas—one love, one nation. Iwasan natin ‘yung away-away na walang patutunguhan, dahil mas maganda ‘yung wala kang kaaway, everybody is happy,” dagdag ni Abangon.

Vice President Sara Duterte, nakiisa rin sa Muslim community sa paggunita ng Eid’l Adha ngayong Biyernes

Samantala, nagpaabot din ng mensahe si Vice President Sara Duterte sa pagdiriwang ng Eid’l Adha.

“Assalamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuh! Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan. Magandang araw sa inyong lahat. Isang maligaya, pinagpala, at makabuluhang Eid al-Adha sa ating mga kapatid sa pananampalatayang Islam. Sa okasyong ito, nawa’y magsilbing paalala sa ating lahat ang kahulugan ng sakripisyo, pananampalataya, at kabutihang-loob—mga bagay na mahalaga hindi lang sa ating pananampalataya kundi maging sa ating pang-araw-araw na buhay bilang isang sambayanan.

Ang diwa ng Eid al-Adha ay nagsisilbing paalala ng lakas ng loob, pagbibigayan, at malasakit sa kapwa—mga katangiang lubhang mahalaga sa kasalukuyang panahon.

Ang aking pakikiisa sa inyo ay pinagtitibay ng kapatiran, paggalang, at pagtanggap. Tanggapin sana natin ang biyaya ni Allah sa lahat ng panahon.

Eid Mubarak!

Ang lahat ng ginagawa natin ay para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino.

Shukran,” mensahe ni Vice President Sara Z. Duterte.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble