ISANG transport network vehicle service (TNVS) driver ang iniharap sa media matapos maaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kasong sapilitang pagnanakaw at panghahalay sa isang babaeng pasahero sa Cainta, Rizal.
Kinilala ang suspek na si Michael Lou Reuyan y Domoloan, na inaresto ng NBI–National Capital Region sa Cainta, Rizal nitong Hunyo 16 sa bisa ng isang hot pursuit operation.
Ayon sa reklamo ng biktima, naganap ang insidente madaling araw ng Hunyo 15 matapos siyang mag-book ng TNVS kung saan si Reuyan ang driver.
Habang nasa biyahe, nakatulog umano ang biktima at nagising na lamang sa panghahalay.
Sinaktan pa aniya siya nang manlaban at tinangay ang kaniyang bag, cellphone, at kwintas na nagkakahalaga ng ₱35,000.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang NBI matapos makipag-ugnayan sa may-ari ng ginamit na sasakyan. Natunton si Reuyan sa Cainta at naaresto habang sakay ng e-bike.
Dinala na siya sa inquest proceedings kaugnay ng kasong robbery with rape sa ilalim ng Revised Penal Code.