Tourism Sec. Christina Frasco, lusot na ang ad-interim appointment sa CA

Tourism Sec. Christina Frasco, lusot na ang ad-interim appointment sa CA

KUMPIRMADO na sa plenaryo ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni dating Liloan City, Cebu  Mayor Christina Frasco bilang ika-21 Kalihim ng Department of Tourism (DOT).

Ito ang unang pagkakataon ni Frasco na humawak ng national na posisyon matapos siyang itinalaga sa puwesto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa kanyang pagsalang sa committee level ng CA bagama’t walang oposisyon ay iba’t ibang payo ang kanyang natanggap mula sa mga senador at congressman na miyembro ng komisyon.

Kabilang dito kung papaano mas epektibo na ma-promote ang kultura ng Pilipinas sa bansa, tamang branding at marami pang iba.

“Because of the Lord of the Rings…  Because of “The Beach” people would like to go to Thailand. That us like free advertising. We have like the borne identity which showed the middle of the Ocean. They did not really show much of the Philippines. We should be more proactive, make it easy for them… If you want to go to these province,” payo ni Senator Grace Poe.

Tinanong din si Frasco kung may plano ba itong palitan ang slogan ng DOT na “It’s More Fun in the Philippines.”

Pagsalang naman sa plenaryo ay mabilis ang pagkumpirma kay Frasco dahil wala namang  oposisyon.

“The good secretary is beauty and brains personified  … the appointment of Ms. Maria Esperanza Christina Cordilla-Frasco as Secretary of the Department of Tourism is confirmed. Congratulations,” pagkumpirma ni Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Bago itinalaga sa DOT ay bagong halal na alkalde si Frasco ngunit mas pinili na tanggapin ang alok na maging kalihim ni PBBM.

Sa nagdaang eleksyon, nagsilbi rin siya bilang spokesperson ni dating Davao City Mayor at kasalukuyang Bise Presidente Sara Duterte, ang running mate ni Pangulong Marcos.

Siya ay anak ni Cebu Governor Gwen Garcia, ang leader ng political party ng “One Cebu.”

Bukod kay Frasco ay lusot na rin sa CA plenary ngayong araw ang ad interim appointment ni Environment Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, at ang promosyon ng 63 senior official ng AFP.

Follow SMNI NEWS in Twitter