Tubig-ulan sa ilang probinsiya sa Pilipinas, nabawasan ng humigit-kumulang 50% dahil sa El Niño—PAGASA

Tubig-ulan sa ilang probinsiya sa Pilipinas, nabawasan ng humigit-kumulang 50% dahil sa El Niño—PAGASA

MULING nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko sa magiging epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

Batay sa pinakabagong forecast ng PAGASA, inaasahang aabot sa 56 na mga probinsiya sa Pilipinas ang maaapektuhan ng matinding tagtuyot at makararanas ng mainit na temperatura na aabot sa 40 degrees Celsius dahil sa El Niño.

Sinabi ni PAGASA Assistant Weather Service Chief at OIC ng Climatology Division Ana Liza Solis, may iba’t ibang lugar sa Pilipinas na kaunti lamang ang nararanasang tubig-ulan.

“Isa ‘yung naitala nating nakapagtala ng 21 to 60% na reduction sa tubig-ulan during the past 4 or 5 months. So ‘yan po ang Cavite. So, may ulan siya pero mababa doon sa normal niyang natatanggap,” ayon kay Ana Liza Solis, OIC, Climatology Division, PAGASA.

“Dito naman sa Nueva Ecija, kabilang siya doon sa tinatawag na dry spell. So, ibig-sabihin na may around 21 to 60% reduction siya during past 3 months,” dagdag ni Solis.

Bagama’t umiiral na ang El Niño phenomenon, sa ngayon ay wala pa namang naitatalang epekto pagdating sa agrikultura.

Ngunit, kailangan pagtuunan ng pansin ng pamahalaan sa oras na humaba pa ang epekto ng tagtuyot dulot ng El Niño phenomenon.

“What if hindi dumating ‘yung sapat na ulan pagdating ng June and July. So, ‘yun ang dapat nating pag-planuhan,” ani Solis.

Kumpiyansa ito na kahit pa man humaba ang epekto ng El Niño ay walang mangyayaring water crisis.

“Hopefully not, kasi dahil mayroon na tayong tinatawag na mga mitigating measures o strategic action plan on El Niño from different sectors concern,” aniya.

Pagkakaroon ng rain catching facilities sa lahat ng LGUs, inirekomenda ng PAGASA sa gitna ng El Niño

Sa datos ng Hydro-Meteorology Division ng PAGASA as of 6 am ng Enero 10, bahagyang bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam na nasa 213.34 meters.

Bumaba ito ng 0.11 meters mula sa 213.46 meters kahapon, Enero 9.

Sinabi naman ni Oyie Pagulayan, Senior Hydrologist ng Hydro-Meteorology Division ng PAGASA, may pagbaba na rin sa lebel ng tubig sa Pantabangan Dam na nagsusuplay sa irigasyon.

“We are still utilizing water at ‘yung irrigation diversion components ng tubig ay, I think nag-in effect na kasi mayroon na pong nagsisimulang magtanim ngayon,” ayon kay Oyie Pagulayan, Senior Hydrologist, Hydro-Meteorology Division, PAGASA.

Upang matugunan ang posibleng kakapusan ng suplay ng tubig, inirerekomenda ng PAGASA na magkaroon na ng rain catching facilities ang lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa.

Dahil may mga ilang pag-ulan pa rin namang mararanasan sa kabila ng El Niño phenomenon dahil sa iba’t ibang weather system.

“Puwedeng paggamitan ng…kahit papaano hindi man siya malaki but it can also augment,” dagdag ni Pagulayan.

“’Yung mga itatayong mga bagong bahay o buildings na magkaroon sila ng rain catching facilities. Maganda rin ‘yun kasi kahit papaano makaipon tayo ng tubig that could also lessen naman na tubig from our potable water source,” aniya.

Suplay ng tubig sa bansa, sapat hanggang sa panahon ng tag-init sa kabila ng El Niño—MWSS

Pero, sa kabila naman ng pangamba sa posibleng epekto ng El Niño, tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na mayroong sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila at iba pang karatig-probinsiya na sinusuplayan ng Angat Dam.

“This summer ay ina-assure natin ang mga kababayan na magiging sufficient ang tubig natin. Dahil po sa pag-uulan during Christmas season, So, naging effective po ‘yung ating pagtitipid,” ayon kay Engr. Patrick Dizon, Division, Manager, MWSS.

Mga LGU, nakahanda na sa maaaring epekto ng El Niño ngayong taon—OCD

Nakahanda na rin ang iba’t ibang mitigating measures ng pamahalaan sa oras na tumindi ang epekto ng El Niño phenomenon.

Sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD) spokesperson Director Edgar Posadas, nakaalerto ang limang key sectors upang tumugon.

Kabilang ang Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), Department of Energy (DOE), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Gayundin ang mga LGU na napakahalaga rin ng role upang matugunan ang epekto ng El Niño.

“Very critical ‘yung role ng ating mga lokal na pamahalaan. And so, we work closely to the DILG as one of the in-charge of public safety sa 5 pillars. Sila ang nagma-make sure na on board lahat ng lokal na pamahalaan natin na magsagawa ng dapat kailangang gawin.

Napakalaki ng pasasalamat namin sa lokal na pamahalaan sa mga local chief executives for being one with us,” ayon kay Dir. Edgar Posadas, Spokesperson, OCD.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble