WEST Philippine Sea (WPS) o mas kilala sa International parlance na South China Sea ang sentro ng hidwaan ng China at Pilipinas.
Ngunit sa panayam ng SMNI News sa eksperto sa usapin na si former UP Professor Roland Simbulan, ipinaliwanag niya ang tunay na tunggalian ng Estados Unidos at China sa pinag-aagawang teritoryo.
Tama. Girian ng Amerika at China at hindi ng Pilipinas at China.
Ani Simbulan, naggugulangan ang US at China sa kung sino ang magiging numero unong ekonomiya sa buong mundo.
Bakit nga ba mahalaga sa China ang West Philippine Sea?
Paliwanag ni Prof. Simbulan, trade route ng mga barko ng China ang pinag-aagawang teritoryo.
Bagay na nais aniya kontrolin ng US para kontrolin ang pasok at labas ng mga produkto o imports at exports ng China sa hangaring mapigilan ang pagsirit ng kanilang ekonomiya.
“‘Pagka halimbawa ‘yung US seven fleet, halimbawa actively nag-ooperate dito sa South China Sea, i-blockade lang nila ‘yung strait of Malacca dito sa bandang South natin malapit sa Indonesia at saka ‘yung Sea of Japan sa Norte, mapipilayan talaga ang Chinese Economy kaya ‘yan ang bangungot ng China na mangyayari,” pahayag ni Prof. Roland Simbulan, Former UP Professor.
Kaya bilang pang-counter ng China, inimbento nila ang 9-dash line para magkaroon ng claim sa nasabing mga teritoryo.
Territorial claim para makapaglagay ng military installations, maipuwesto ang kanilang nuclear powered submarines at lagyan ng mga puwersang magpapatrolya sa lugar.
“Gusto nilang i-counter ‘yun in advance tulad noong nabanggit ko kaya inimbento nila itong kanilang tinatawag na 9-dash line para i-claim halos buong South China Sea para i-control ang operations ng US 7th fleet at iba pang mga navys ano,” dagdag ni Simbulan.
Diin ni Simbulan, binibilisan ng US ang tangkang pag-kontrol sa South China Sea habang hindi pa nauungusan ng China ang kanilang military powers.
Ito aniya ngayon ang dahilan kung bakit maraming EDCA sites sa Pilipinas.
Pilipinas, ginagawang malaking aircraft carrier ng Estados Unidos—Former UP Professor
“Parang forward base tayo ng Amerika ngayon, para tayong aircraft carrier dito na kung mag-i-install ng tomahawk missiles dito ang US na nakatutok sa kanilang mga pinakamalaking siyudad, Beijing at Shanghai, talagang mati-threaten sila lalo na dito sa South China Sea,” aniya.
Naniniwala naman si Simbulan na ang agresyon ng China sa pinag-aagawang teritoryo ay dahil sa labis na pagpapagamit ng kasalukuyang administrasyon sa mga Kano.
“Nagngingitngit sila kung bakit ulit pinapagamit ‘yung ating teritoryo posible laban sa kanila at nati-threaten ‘yung kanilang security,” aniya pa.
Nakikita naman ng dating UP Professor na makakaapekto sa foreign policy ng Pilipinas ang labis na pag-alyansa nito sa Amerika.
Maaari namang masundan ang mga paliwanag ni Professor Simbulan sa third edition ng kaniyang aklat na kamakailan lang inilabas.
Taong 1984 at 85 pa inilabas ni Simbulan ang una at ikalawang edisyon ng kaniyang libro na naging basehan ng mga pag-aaral sa presensiya ng US military bases sa bansa.
Hango ang libro sa kaniyang panayam sa mga taga-US government na may alam sa deployment ng US military assets sa bansa.