MAS naeengganyo ang local at foreign tourists na bumisita sa nag-aalborotong Bulkang Mayon dahilan para tuluy-tuloy ang paglago ng turismo sa Albay.
Ayon sa tala ng Albay Provincial Tourism, Culture and Arts Office, mas tumaas pa ang bilang ng mga kostumer sa hotels, restaurants, at ibang tourist destinations sa lalawigan.
Sa ngayon, umaabot na sa 500 ang bilang ng mga turista kung ikukumpara sa dati na nasa 150 hanggang 200 lang.
Bukas din ang mga negosyo sa kanilang lugar hanggang alas diyes ng gabi para ma-cater ang mga bisita.
Paboritong bisitahin ng mga turista ang Cagsawa Ruins sa Daraga kung saan maaaring makikita ang pag-aalboroto ng mayon.
Samantala, posibleng nag-ambag din sa pagtaas ng bilang ng mga turista sa Albay ang non-cancellation ng flights sa kabila ng pag-aalboroto ng bulkan.