NANGAKO sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Ukraine President Volodymyr Zelenskyy na palalakasin pa ang 32 taong gulang na diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa.
Sa kanilang pulong sa Palasyo ng Malakanyang nitong Lunes ng umaga, nabanggit ni Zelenskyy ang patungkol sa nakatakdang pagbubukas ng Ukraine ng kanilang Embahada sa Maynila ngayong taon.
Bilang tugon kay Zelenskyy sa plano nilang magbukas ng embahada dito sa bansa, sinabi ni Pangulong Marcos na magandang balita ito sabay idiniin na patuloy na tutulong ang Pilipinas sa Ukraine sa anumang paraan na posible.
Dumating si Zelenskyy sa Pilipinas Linggo ng gabi para sa isang araw na working visit pagkatapos ng kanyiang pagharap sa ika-21 na edisyon ng International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue sa Singapore.
Ipinaabot naman ng Ukrainian President ang kaniyang pasasalamat kay Pangulong Marcos sa walang patid na suporta ng Pilipinas sa Ukraine.
Nagpasalamat din si Zelenskyy sa malinaw na posisyon ng Pilipinas tungkol sa aniya’y pananakop ng Russia sa mga teritoryo ng Ukraine.
Ang Ukraine ay nagsilbing pangalawang tahanan ng halos 200 Pilipino.
Ngunit ang bilang ay bumaba sa 25, na karamihan ay kasal sa mga Ukrainians, dahil sa patuloy na Ukraine-Russia crisis.