INIIMBESTIGAHAN na ng Commission on Elections (COMELEC) ang 4 na insidente ng vote buying sa ilang lugar sa Misamis Oriental, Apayao Province, Negros Occidental, at Baguio City.
Base sa report ni COMELEC Commissioner Edward Maceda Jr., may mga reklamo na namimigay ng TUPAD payout na may larawan ng 3 incumbent officials sa Balingasag, Misamis Oriental. May talamak na bilihan ng boto sa probinsiya ng Apayao, may sangkot sa premature campaigning sa Pontevedra, Negros Occidental, at sa bahagi ng Baguio City, may partylist group na namimigay umano ng P100 kasama ang membership ID cards.
Ayon kay Maceda, ang mga reklamo ay nasa evaluation at assessment na ng komisyon. Kapag may sapat na ebidensya, sasampahan ng kaukulang kaso ang mga kandidato.
Giit ni Maceda na kahit walang magreklamo, basta may sapat na ebidensya laban sa anumang bilihan ng boto, maaaring umaksyon ang poll body. Sinabi rin niya na noong 2023, maraming sinampolan ang COMELEC dahil sa paglabag sa mga alintuntunin ng komisyon.