SA pagpasok ng mga bata ngayong umaga sa Epifanio Delos Santos Elementary School sa lungsod ng Maynila, nasaksihan ang iba’t ibang emosyon—may mga sabik, may kabado, at may ilan ding naluha sa unang araw ng klase.
Isang Grade 1 student ang nadatnan ng SMNI News na umiiyak sa unang araw niya sa elementarya.
Ayon sa kaniyang ina na si Aling Aileen, kinabahan at nalungkot ang bata sa ideya ng paghihiwalay sa pamilya.
“First day po ng pasukan naninibago sya kaya siya naiyak, at saka ‘di pa nya kilala ang teacher nya na bago, ayaw nya magpaiwan kasi. Bata lang po sa loob, ang parent sa labas,” ayon kay Aileen Dela Cruz, Magulang.
Isa pa ring batang lalaki, habang nakapila kasama ang mga kaklase, ay hindi rin napigilang maiyak.
Pero kung may mga ninerbiyos, mayroon din namang mga estudyanteng sabik na sabik nang makabalik sa eskwela.
“Hindi naman umiiyak, okay naman siya, kahapon nag-aano na mapapasok nga eh. axcited sya, ngayon nga makapasok sya kaagad, maaga nga gumising eh alas kwatro,” wika ni Janet, Magulang.
“Excited po kaniang umaga ‘di na sya mapakali kasi gusto na niyang pumasok sa school. Sabi ko saglit lang anak e-ano ko lang nga gamit mo. Buti na lang ‘di sya umiiyak kasi gustong-gusto na niya pumasok sa school. Kasi mahilig talaga sya nakipaglaro, makipag friends, makipaghalubilo,” saad ni Aling Joharra, Magulang.
Bandang alas-sais ng umaga ng Lunes, isinagawa ang unang flag raising ceremony dito.
Ayon kay Jenneth Salanga ang principal ng paaralan, umaabot sa 3,000 ang mag-aaral ang magbabalik-eskwela dito sa Epifanio Delos Santos Elementary School.
Bagama’t nasa 3,200 ang enrollment noong nakaraang taon, patuloy pa rin ang pagtanggap ng mga bagong estudyante.
Single-shift schedule din ang ipinatutupad dito, mula 7:00 AM hanggang 4:00 PM.
May kabuuang 108 silid-aralan ang paaralan at 121 na guro ang naka-assign para sa school year na ito.
Bandang alas nuwebe ng umaga, dumating si Education Secretary Sonny Angara at personal na ininspeksiyon ang kalagayan ng mga mag-aaral ngayong pasukan.
Kasama ng kalihim si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang pagbisita.
Kakulangan ng access sa malinis na tubig ng ilang paaralan, isa sa mga tututukan ng DepEd ngayong pasukan
Sa panayam kay Secretary Angara, sinabi nito na ito ang unang eskwelahan na kanilang binisita kasabay ng school opening.
Base sa kaniyang assessment sa isinagawang inspeksiyon, minor repairs lamang aniya ang kailangan sa naturang paaaralan.
“Maganda naman, maaliwalas, may konting mga situation, meron lang kailangan ayusin, minor repairs. Pero isa ito sa mga maayos na paaralan natin. Hindi natin sinabi na lahat ganun, merong nangangailangan talaga ng seryosong repairs,” pahayag ni Sec. Sonny Angara, DepEd.
Matatandaang sa pagbisita ng opisyal sa dalawang eskwelahan sa Bulacan, napansin nito ang hindi maayos na lagay ng mga palikuran at ang kakulangan ng access sa malinis na tubig.
At ito ngayon ang isa sa mga nais tutukan ng DepEd sa mga paaralan lalo na ngayong nag-uumpisa na ang klase.
“Kumuha ng magandang serbisyo at talagang prioritize ‘yung mga cr dahil ‘pag hindi malinis ang cr, hindi tumatakbo ang tubig doon nagmumukla ang sakit,” aniya.
Inihayag ni Angara na naging maayos ang paglipat sa bagong academic calendar, kung saan muling itinakda sa Hunyo ang pagbubukas ng klase para sa mga mag-aaral. Aniya, isa itong “good choice” o tamang desisyon.
Pinaboran din ng punong-guro ng Epifanio Delos Santos Elementary School ang pagbabalik sa lumang school calendar. Ayon sa kaniya, kapag may bagyo, agad nilang isasagawa ang modular distance learning bilang alternatibong paraan ng pag-aaral upang hindi maantala ang edukasyon ng mga bata.