EPEKTIBO ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang unang linggo ng Alert level 1 sa Metro Manila.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año na habang patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ay bumaba din ang bilang ng mga lumalabag sa health protocols.
“Generally base doon sa assessment na ginawa namin together with the NCR mayors maganda ang result ng implementation ng first week ng Alert Level 1,” pahayag ni Año.
“Nakita natin na bumaba din yung violations sa not wearing masks ibig sabihin yung disiplina, instinct, at habit ay napasok na sa mind ng mga kababayan natin. Tuloy-tuloy lang sana,” dagdag nito.
Sa kabila nito, tuloy-tuloy ang ginagawang hakbang ng gobyerno upang mas mapabuti ang COVID-19 response sa bansa.
Hinihikayat na ni Año ang mga establisyimento na magbigay ng incentive sa mga nakapagpabakuna ng booster shots upang maiangat ang booster vaccination rate sa bansa.
“Nag-iincentivize tayo like for example business establishment ay ini-encourage natin na magbigay ng additional discount sa mga may booster. Tapos ang ginawa natin sa mga for example LRT at MRT, naglagay na tayo doon ng bakunahan para maging accessible. Tulungan natin na mabilis na makarating sa mga tao ang boosters,” saad ng Interior Secretary.
Pinag-aaralan na din ng pamahalaan ang pagbibigay ng ikalawang booster shot.
Sinabi ni Testing Czar Secretary Vince Dizon na kabilang sa tinitingnan ng mga eksperto ay ang dosing requirement o yung interval sa pagitan ng una at ikalawang booster shots
Oras na mailabas ang interval guidelines ani Dizon, agad sisimulan ang pagbibigay ng second booster.
“Pagka lumabas na yung interval guidelines immediate na ‘yun. We will implement it right away. Then magpapabuka na tayo ng fourth shot sa mga seniors and those with commorbidities,” wika ni Dizon.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) as of March 8, nasa higit 10.6 milyong indibidwal na ang nakatanggap ng booster shot.