MATAGUMPAY na nakapag-ulat ang pinaka batang alkalde sa bansa na si Mayor Jose Antonio “Tonton” Bustos sa ginanap na State of the Municipality Address ng kanyang unang 100 araw bilang alkalde sa bayan ng Masantol.
Sa kanyang unang 100 araw bilang alkalde ng bayan ng Masantol ay ibinahagi ni Mayor Jose Antonio “Tonton” Bustos ang ulat sa kanyang kauna-unahang State of the Municipality Address.
Ipinagmamalaki ni Masantol Municipality Mayor Jose Antonio “Tonton” Bustos na isa ang bayan nito sa mga drug free na lugar sa Pampanga.
Isa-isa nitong ibinahagi ang mga katagumpayan ng kanyang opisina sa kanyang unang 100 araw bilang alkalde sa bawat sektor ng lipunan mula sa mga na-accomplish nito at sa lahat pa ng mga programang kanilang ipatutupad.
Isa rin sa pinaka pinagmamalaki nito ay ang peace and order sa kanilang lugar dahil ang Masantol ang pinaka tahimik at ang may pinaka mababang crime rate sa lalawigan.
Kanyang kinilala ang mga kapulisan na gumaganap sa kanilang mga trabaho na siya ring dahilan kung bakit mababa ang crime rate sa kanilang lugar.
Nangako naman ito na mas lalo pang magiging agresibo ang lokal na pamahalaan ng Masantol sa pagpapaigting ng approach sa iba’t ibang concern na kailangan nilang ayusin mula sa merkado, kalusugan, edukasyon, pangkabuhayan at kaligtasan ng bawat kabataan at mamamayan ng Masantol.
Samantala, sinabi rin ng alkalde na kailangan talagang pag-usapan nang mabuti ang problema sa baha lalo na’t bahain na lugar ang bayan ng Masantol.