UniTeam Festival Rally venue sa Cebu, mabilis napuno ng mga taga-suporta

UniTeam Festival Rally venue sa Cebu, mabilis napuno ng mga taga-suporta

HINDI ininda ng mga taga suporta ng UniTeam ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at Mayor Sara Duterte ang tirik ng araw, kaya ala una pa lang ng hapon ay nangalahati na ang Filinvest grounds ng mga taga-suporta nito sa Cebu.

Ayon sa organizer ng UniTeam Festival Rally, ito ang pwersa ng One Island, One Province, One Cebu at tinatayang 300,000 supporters ang dumagsa ngayong gabi para masilayan ang frontrunner na si BBM at Sara Duterte.

Kagaya ng inaasahan, isang star studded event ang Festival Rally na binubuo ng national at local artist na nagtampok ng Sinulog Festival, Kadaugan sa Mactan, Lechon at Rosquillos Festival.

Kahit umano malayo ang pinanggalingan ng mga taga-suporta ay sadya silang bumiyahe nang maaga upang masaksihan ang grand rally ng UniTeam.

Kahit saan ka lumingon may makikitang kapulisan na inilatag ng Cebu City Police Office upang masiguro ang kaayusan at mapayapang rally.

Nakahanda rin ang mga rescue team ng Cebu City na nakapwesto sa gilid ng stage, para magbigay-tulong sa mga hindi inaasahang insidente.

Samantala, special naman sa rally na ito ang mga senior citizens, Person with Disabilities (PWDs) at mga buntis dahil binuksan ang Noah Complex para sa kanila na mas komportableng lugar.

Bago pa man ang araw na ito, ay inorganisa na ng UniTeam ni BBM at Sara sa pamamagitan ni Cong. Gilbert Remulla ang mga parallel group dito sa probinsiya ng Cebu na nais na sumailalim bilang opisyal na mga taga-suporta ni dating Senator Bongbong Marcos at Davao City Mayor Inday Sara Duterte.

Dinagsa rin ang rally ng iba’t ibang political groups mula sa mga karatig syudad at munisipalidad, maging mga taga Bohol at Negros Oriental bilang pagsuporta sa kandidatura ni BBM at Mayor Sara.

Maalalang naging makasaysayan ang pag-endorso ni Cebu Gov. Gwen Garcia at ng One Cebu sa tandem ni BBM dahil hindi nabigo ang paulit- ulit na panliligaw ni BBM sa mga Cebuano.

Follow SMNI NEWS in Twitter