NAGBUKAS ng malaking oportunidad sa mga mahihirap na Pilipino ang pagkakaroon ng urban farm na mapagkukuhanan nila ng libre at masustansiyang gulay.
Hindi lamang sa malawak na lupa maaaring makapagtanim ng gulay.
Sa Quezon City halos karamihan na sa mga barangay ang mayroon nang urban farm o isang community garden.
Katulad sa Republic Avenue sa Brgy. Holy Spirit, ang 7,000 square meters na bakanteng lote noon ay isa nang community garden.
Iba’t ibang klase ng lowland at highland vegetables tulad ng talong, okra, repolyo, lettuce at iba pa ang itinanim ng mga residente.
Layon ng community garden o urban farm na mabigyan ng sapat na pagkain ang mga mahihirap na Pilipino at matugunan ang malnutrisyon sa komunidad.
“Ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ganitong project sa bawat barangay na kung lahat ng barangay may ganito at least hindi tayo masyadong magka-problema sa pagkain,” ayon kay David Balilla, Agriculturist.
Ang naturang urban farm sa Brgy. Holy Spirit ay napakikinabangan ng libu-libong mga residente.
Kabilang na rito si Nanay Jocelyn na nakabenepisyo sa urban farm upang kahit papaano ay maka-menos sa gastusin dahil sa libreng gulay.
“Nanghihingi kami na sir pahingi naman kung mayroon bang okra diyan sir. So, nakakatulong para sa amin lalo na ako single mom. Importante sa amin na nakakatipid,” ayon kay Jocelyn Monter, nakabenepisyo sa urban farm.
Tumigil na rin sa pagiging construction worker si Tatay Ricardo at dito na lamang siya namasukan.
Laking tulong aniya dahil nagbukas ito ng malaking oportunidad sa kaniya para kumita.
“Hindi lang kami ang nakikinabang, buong barangay ang nakikinabang dito kasi nandito na lahat. Napakahirap ng buhay, ultimong bibili ka ng sitao limang piraso ay P10. Dito libre,” ayon kay Ricardo Perlas, nakabenepisyo sa urban farm.
Nauna nang ibinalita ng Quezon City Government na mas dumami pa ang bilang ng mga barangay na nagkaroon ng urban farm sa ilalim ng “Joy of Urban Farming Program”.
Nitong Disyembre 2023, umabot na sa higit 1,000 sites ng urban farm ang nagbukas sa lungsod.
“This is a most welcome development, especially in addressing food security in our communities,” ayon kay Mayor Joy Belmonte, Quezon City.
Pagkakaroon ng urban farm sa iba’t ibang barangay, tugon sa kagutuman—DILG
Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) naman ay mas paiigtingin pa ang urban farm project sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Sa ngayon, nasa 25,000 na mga barangay sa bansa ang nakapagsimula ng community garden.
“Ibig sabihin, padami nang padami ‘yung pagtatanim kasi nakikita nila, ‘yun ang solusyon sa kagutuman,” ayon kay Usec. Chito Valmocina, Barangay Affairs, DILG.