BINANATAN ng urban group ang gobyerno sa Pre-SONA Maisug Rally pagkaraang lumabas ang ulat na nasa P20-M ang food budget para sa State of the Nations Address (SONA) ni Marcos Jr.
Ayon kay Rex Merano, presidente ng Urban Poor Group-Caloocan, bakit kailangan nilang magpaluwal ng milyun-milyong pisong halaga para lang sa kanilang pagkain gayong maraming mga Pilipino ang hirap at gutom.
Marami aniya ang hirap na hirap kung paano bubudgetin ang kakarampot na P600 na minimum wage para sa araw araw na gastusin habang milyon-milyon ang gusto nilang gastahin para sa kakainin nila sa isang araw na SONA.
Maliban pa diyan, ang paglalaan nila ng P20-M para sa food budget ng SONA ay taliwas sa pangako ng pangulo sa kaniyang administrasyon na bawal ang kurap, bawal ang waldas.
Nasaan na nga anila ang pangako nilang magbibigay ng pagkain sa mga hirap na mga Pilipino?
Sa halip anila na tuparin ito, ay mas lalo pang tumaas ang presyo ng mga bilihin kaya’t ang iba ay wala nang maipambili para sa kanilang kakainin.
Dagdag pa ng grupo, nasaan na rin ang pangako ni Marcos para sa libreng pabahay?
Sa napakarami anila na kwalipikasyon na binigay ang gobyerno para sa kanilang pabahay, sinong urban poor ang makaka-avail nito?
Dahil sa mga bigong pangako, panawagan ng mga Pilipino – bumaba na si Marcos sa puwesto.