Validation reports ng DSWD sa reklamo ng OVP vs ayuda, isusumite na sa Senado

Validation reports ng DSWD sa reklamo ng OVP vs ayuda, isusumite na sa Senado

TILA naging kontrobersiyal ang naging pagdinig sa Senado para sa 2025 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay matapos matanong ang ahensiya sa mga reklamong ipinaabot ng Office of the Vice President (OVP) sa Senado sa kung bakit hindi nabibigyan ng ayuda o tinatanggihan ng DSWD ang mga referral na mula sa opisina ng bise presidente.

Pagtatanggi naman ng kalihim ng DSWD— hindi anila pinu-politika ang programa patungkol sa mga ayuda taliwas sa alegasyon ng OVP.

“Walang pinu-politika sa DSWD. Mga social worker natin ang sumusuri kung tutulungan o hindi, kung kailangan o hindi,” pahayag ni Sec. Rex Gatchalian, DSWD.

Buwelta naman ng Office of the Vice President— wala umanong katotohanan ang sinabi ni Sec. Rex Gatchalian na tinatanggap nila ang lahat ng nagre-request para sa ayuda.

Sabi ng OVP, patunay nga rito higit 7,000 pending applications para sa Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS) at higit 2,000 pending applications din para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) sa Panay at Negros Island na inindorso ng OVP sa DSWD Field Office – VI.

Ang problema ay hanggang ngayon ay hindi pa ito nabibigyan ng ayuda ng DSWD.

Sa press conference nga ng DSWD, umaga ng Huwebes, Oktubre 17, 2024 ay muli naman nilang binigyang-diin na wala anilang halong politika ang pagbibigay nila ng tulong sa mga Pilipinong nangangailangan.

“We would like to really stress na lahat naman ng lumalapit sa DSWD na nangangailangan ng tulong ay atin pong tinutulungan subject of course to the validation and assessment of our social workers,” wika ni Sec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.

Sa katunayan, handa na aniya ang validation reports sa ginawa nilang imbestigasyon patungkol sa reklamo ng opisina ng bise presidente.

Ito aniya ay nakatakda nilang isumite sa tanggapan ni Senate Committee on Finance, Subcommittee Chairman Senator Imee Marcos.

“The reasons why we are doing an investigation or a validation ay para mas magiging maayos ‘yung ating komunikasyon with the Office of the Vice President.”

“There’s always an effort on the part of the DSWD to communicate with parties,” dagdag ni Dumlao.

Kasama sa sinuri ng DSWD ang mga na-refer na benepisyaryo para sa AICS sa Western at Central Visayas.

Bukod naman sa OVP, inireklamo rin ni Zamboanga City 1st District Rep. Khmer Adan Olaso ang biglaang pagpapahinto ng DSWD sa payout o ang ayuda sa kaniyang distrito.

Nag-trending din sa social media kamakailan ang pagluhod nito sa isang opisyal ng DSWD sa Zamboanga para lamang matuloy ang pamamahagi ng ayuda.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble