UMANI ng samu’t saring batikos mula sa netizens ang video ng isang resort na matatagpuan mismo sa paanan ng Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol.
Ilang mga netizen ang nagpahayag ng pagkabahala sa magiging epekto ng operasyon ng Captain’s Peak Resort sa natural na kagandahan ng Chocolate Hills.
Tanong pa ng iilan na kung paano napayagan ang pagpapatayo ng nasabing resort sa isang UNESCO Global Geopark.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) nag-isyu na sila ng Temporary Closure Order laban sa resort noong Setyembre 6, 2023 at Notice of Violation noong Enero 22, 2024 dahil sa pag-operate na walang Environmental Compliance Certificate.
Sa panig naman ng Department of Tourism (DOT), sinabi nito na hindi accredited ang resort at wala ring aplikasyon para sa accreditation.
“The Captain’s Peak Resort Development in Chocolate Hills is not an accredited tourism establishment under the auspices of the Department of Tourism’s accreditation system, and there is no pending application for accreditation for the same,” ayon sa Department of Tourism.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang DOT sa Panlalawigang Pamahalaan ng Bohol sa pamamagitan ng regional office nito mula pa noong Agosto 2023 ukol sa nasabing isyu lalo na ang kahalagahan na maipreserba ang integridad ng nasabing likas-yaman.
“The Department, through its regional office in Central Visayas, has been in coordination with the Bohol Provincial Government since August 2023 to express its concerns regarding this matter, especially recognizing the necessity of preserving the integrity of this natural resource,” dagdag ng DOT.
Sa huli sinabi ng ahensiya na bagama’t mahalaga ang pag-unlad sa progreso ay dapat itong isagawa na may pagkakaisa sa pangangalaga sa kalikasan at kultura.
“While development is essential for growth and progress, it must be conducted in harmony with environmental and cultural preservation,” dagdag pa nito.
Pamahalaang Lalawigan ng Bohol, inimbestigahan na ang resort sa Chocolate Hills mula pa noong 2023
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Bohol Governor Erico Aris Aumentado na nagsawa na ng imbestigasyon ang kanilang Sangguniang Panlalawigan Committee on Environment hinggil sa resort mula pa noong Setyembre 2023.
Ayon kay Aumentado na bilang mga tagapangalaga ng lalawigan, hindi nila puwedeng hayaang magpatuloy ito.
Aniya, humiling na sila sa DENR at sa Protected Area Management Board na baguhin ang kanilang patakaran hanggang sa punto na ang anumang pagpapaunlad sa loob ng lugar ng Chocolate Hills na hindi tugma sa pagtatalaga ng UNESCO sa Bohol bilang Global Geopark ay dapat ipagbawal.
“We have asked DENR and the PAMB to change its policy to the point that any development within the Chocolate Hills area which is not consistent to Bohol’s UNESCO designation as a Global Geopark should be disallowed,” ayon kay Bohol Governor Erico Aris Aumentado.
Aniya ipinarating na rin nila sa DENR ang nasabing isyu para sa malinaw na gabay at direksiyon.