OPISYAL nang inilunsad ng Pag-IBIG Fund ang kanilang bagong App para mas mailapit ang serbisyo nito sa kanilang mga miyembro.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-42 anibersaryo ng ahensya noong Miyerkules, Disyembre 14 ay inilunsad ang Virtual Pag-IBIG Mobile App.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ikinalugod nito ang bagong App ng ahensya kung saan kinikilala rin ng Pangulo ang mga nagawa ng Pag-IBIG Fund sa mga nakaraang taon.
“Ngayon, tinatanggap din namin ang paglulunsad ng Virtual Pag-IBIG Mobile Application. Ilalapit ng App ang mga serbisyo at benepisyo ng Pag-IBIG Fund sa bawat Pilipino,” saad ni Pangulong Marcos.
Tiniyak naman ni Sec. Jose Rizalino Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na siya ring namumuno sa 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees, na patuloy na gagamitin ng Pag-IBIG Fund ang teknolohiya ng impormasyon upang pagbutihin ang mga proseso at serbisyo nito.
“I congratulate the Pag-IBIG Fund for launching the Virtual Pag-IBIG Mobile App. Malaki ang maitutulong ng pagbabago sa serbisyong ito sa pagbibigay ng mga benepisyong panlipunan sa ating mga kapwa Pilipino, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Marcos na i-maximize ang paggamit ng information technology sa paghahatid ng serbisyo publiko,” pahayag ni Sec. Acuzar.
Ang Virtual Pag-IBIG Mobile Application ay maaaring i-download sa pamamagitan ng Apple Store at Google Play.
Ang mobile App ay na-download na ng higit sa 750,000 na mga users nito simula nang maging available ang beta na bersyon nito noong Agosto ngayong taon.