ISANG kasunduan ang pinasok ng Commission on Elections (COMELEC) kasama ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) at ang Philippine Association of Law School (PALS) para magsagawa ng malawakang voter education kontra pagbebenta at pagbili ng mga boto.
Sa ilalim ng election omnibus code, ang vote selling at vote buying ay election offense na may isang taon at hindi lagpas na 6-taong kulong.
Banta ng COMELEC na hindi lamang mga kandidato ang mapaparusahan kundi maging ang mga kasamahan nito sa pagbebenta ng boto at maging ang mga tatanggap ng pera mula sa mga kandidato.
“We are expecting na makatulong satin ang PALS at IBP lalo na voter education and information. Para masugpo ang pamimili at pagbebenta ng boto, dapat ma-educate ang ating mga kababayan. Kaalaman sa consequences ng pamimili at pagbebenta ng boto. Ang iba tumatanggap, ang kala nila ang makakasuhan lang ay mga politiko na namimigay o ‘yung mga supporters na namimigay. Dapat alam ng lahat na ang consequence na ikaw mismong tumatanggap ay maaring makasuhan din,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
“Sa mga probinsiya po nakakalungkot mang aminin, marami pa rin tayong mga kababayan, na ang tingin nila na kung tumanggap sila ng pera, ‘yun ay isang kontrata na dapat tuparin.”
“At sila po feeling nila ay nao-obliga na tumupad sa usapan, diyan po papasok ang tulong ng IBP at saka ang Philippine Law Schools na turuan ang mga botante. ‘Yung sinabi po ni Charmaine Garcia na vote education na hindi po kontrata ‘yun kundi ilegal na transaksyon,” ayon kay Atty. Antonio Pido, President, IBP.
Ngayong linggo ay nakatakdang ipalabas ng IBP ang memorandum circular sa mga chapter nito sa buong bansa para sa pagsasagawa ng voter education.
“Kung mas maraming Pilipino ang nakakaintindi at nakakaalam kung ano ang pinagbabawal sa batas, palagay ko naman karamihan ng mga Pilipino ay law abiding citizen. It’s just a matter of educating them what is allowed and prohibited by law. At pag nakita po nila na seryoso po ang Commission on Elections sa tutupad sa batas,” dagdag ni Pido.
Kumpiyansa rin ang COMELEC na sa tulong ng IBP ay magkakaroon sila ng gabay sa usaping legal pagdating sa vote buying at vote selling.
Una nang sinabi ng COMELEC na maaari silang umakto o mag-file ng kaso sa vote selling at vote buying sa pamamagitan ng presumptions.
Kasama aniya sa pagbili at pagbebenta ng boto ay ang distribusyon ng pera, barya, cards, envelopes, bags, groceries, tokens o kahit ano pang bagay na may kasamang sample ballots o campaign materials.
Pangangampanya sa mga kabahayan, pagbibigay ng pera, discount, cards, groceries o other items.
Pagdadala ng perang kasing laki ng kalahating milyon kasama ang campaign materials.
Sa ngayon ay mahigit 100 na ang naisyuhan ng show cause order ng COMELEC dahil sa premature campaigning, vote buying at iba pa.
Habang mahigit 160 ang naghain ng petition para sa deklarasyon ng nuisance candidate, pagkansela ng certificates of candidacy (COC) at petisyon para sa pagdidiskwalipika ng kandidato.
Mahigit 100 show cause order vs premature campaigning, vote buying, atbp., inilabas ng COMELEC
Samantala, umaabot na sa 300 ang naaresto dahil sa paglabag sa election gun ban ayon sa COMELEC.
Matatandaan na noong Agosto 28, nang simulan ng Philippine National Police (PNP) ang paglalagay ng checkpoint sa buong bansa para sa gun ban implementation kung saan ipinagbabawal ng COMELEC ang pagdadala ng baril, armas kung hindi awtorisado.
“So far po kulang-kulang 300 na po ang nasawata at naaresto at nahuhuli natin na makukulit at matitigas ang ulo na akala makakaligtas pa rin sa ipinatutupad nating patakaran. Alam naman nilang may gun ban suspended and permit to carry outside residence dadalhin pa rin ‘yung baril. Kung wala silang permit from the COMELEC, hindi sila puwedeng magdala,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
300 election gun ban violators, naitala ng COMELEC sa buong bansa
Samantala, ikakasa naman ng C OMELEC ang money ban dalawang araw bago ang halalan kung saan bawal ang pagdadala ng kalahating milyong piso na may kasamang campaign materials.
“Kung ikaw pakalat kalat ka sa barangay tapos may dala kang 500,000 tapos ‘yung 500,000 ay hati-hati pa sa tig-100, 200, may 200 na nakasobre pa,” ani Garcia.