PERSONAL na nangamusta at nagdala ng tulong-pinansiyal si Vice President Sara Duterte ngayong araw sa mga pamilyang apektado ng nangyaring pagbaha noong Nobyembre 8 at 9, 2023 sa Bago Aplaya, Davao City.
Malaki aniya ang tulong ng Barangay Disaster Risk Reduction and Mitigation Response Team sa kanilang alisto na pagresponde at pagbigay ng utos ng pre-emptive evacuation.
Dahil dito walang namatay, nalunod o nawala na tao sa baha.
Nagpapasalamat ito na nakaligtas din ang isang 12-days old na sanggol sa naturang pagbaha.
“Isa sa mga evacuee na aking nakilala ay ang 12-days old na sanggol na ligtas ring nakalikas kasama ang mga magulang. Bigla ko na-miss ang magkaroon ng baby dahil malalaki na ang mga anak ko,” wika ni VP Sara Duterte.
Kasabay ang paalala sa mga residente na magkaroon ng family planning para masiguradong makatapos ang mga anak sa pag-aaral tungo sa magandang kinabukasan.
“Pinaalalahanan ko rin ang mga residente na magkaroon sila ng tamang family planning batay sa kanilang kakayahang pinansiyal upang mapanigurado na matapos ng pag-aaral ang mga anak nila at gumanda ang buhay nila,” paalala ng Bise Presidente.
Ani VP Duterte na magbibigay rin ng dagdag na tulong na relief boxes ang Office of the Vice President (OVP) Satellite Office – Davao para sa mga pamilyang apektado ng nangyaring sakuna.
Patuloy namang hinihikayat ni VP Sara ang mga Pilipino na ipakita ang kabayanihan at pagkakaisa sa panahong gaya nito.
“Sa ating pagtutulungan at pagkakaisa, sama-sama nating malalampasan ang anumang hamon sa hinaharap. Tandaan natin, kahit gaano man kalakas ang unos, mas malakas tayo bilang isang bansa kapag tayo ay nagkakaisa,” ani VP Sara Duterte.