VP Duterte, hinikayat ang mga Pilipino na bumoto sa BSKE 2023

VP Duterte, hinikayat ang mga Pilipino na bumoto sa BSKE 2023

ALAS-otso ng umaga nang magtungo si Vice President Sara Duterte sa Daniel R. Aguinaldo National High School para bumoto ngayong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Bagama’t kanina pang alas-siyete ng umaga nagsimula ang botohan ay patuloy pa ring hinihikayat ni VP Sara ang mga kababayan nating hindi pa nakakaboto na humabol at tiyaking gagampanan nila ang karapatang pumili at magluklok ng mga ninanais nilang kandidato.

“Napakahalaga ng role ng ating mga barangay official,” pahayag ni Vice President Sara Z. Duterte.

Ayon pa kay VP Sara, tuwing eleksiyon ay nabibigyan ang bawat Pilipino ng pagkakataong makiisa sa halalan na siyang ambag nila sa lipunan.

Aniya, bilang isang demokratikong bansa, ang araw na ito ay simbolo ng pag-asa at pagkakaisa para sa ating lahat.

Samantala, bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, sinabi rin niya na ngayong eleksiyon, pinakiusapan niya ang Commission on Elections na isahin ang command center ng COMELEC, DepEd at PNP para mas maging mabilis ang koordinasyon ng nabanggit na mga ahensiya.

Bago pa ang BSKE 2023 ay binisita na ni VP Duterte ang naturang command center para tiyaking maayos ang mga inilatag na hakbang para sa proteksiyon ng mga guro habang ginagampanan ang kanilang tungkulin ngayong eleksiyon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter