KUMPIRMADONG dadalo si Vice President Sara Duterte sa Miting de Avance ng PDP-Laban sa Maynila—ang kaisa-isang kampanyang aktibidad ng partido na kaniyang sasalihan ngayong halalan.
Ayon kay VP Sara, nakumpleto na ang kaniyang campaign schedule nang magpasya siyang sumuporta sa mga senatorial candidates ng DuterTEN, kasunod ng kontrobersiyal na pagkaaresto at pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague, Netherlands.
“Wala pa ako schedule sa kanila except iyong Miting de Avance sa Manila. Dahil noong nag-decide ako na mangampanya para sa mga senators ni President Duterte, noong dinala siya sa the Hague, tapos na iyong schedule na ginawa ng PDP. Hindi na siya puwede baguhin dahil nakahanda na lahat ng mga tao. So, ang napag-usapan namin ng Secretary General ng PDP, si Atty. Wendel Avisado is that doon ako sa Miting de Avance sasali,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Walang tigil ang pag-iikot ni VP Sara sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ikampanya ang DuterTEN, naglalatag ng matinding puwersa sa gitna ng umiigting na tensiyong politikal.
VP Sara: Taumbayan, galit sa mga paglabag ng administrasyon
Samantala, matapang na sinagot ni VP Sara ang naging pahayag ng Malacañang na walang planong pagpapabagsak sa pamilya Duterte.
“Ang mga tao na lang ang pasagutin nila. At dapat nakikita na nila ngayon kung gaano kagalit ang mga tao sa ginawa nila. Unang-una sa akin sa impeachment, at sa pag-kidnap nila kay President Duterte. Tanungin nila ang mga tao, naiintindihan nila, naiintindihan ng mga tao at napapakita nila iyon sa galit nila ngayon,” giit ni Vice President Sara.
Sa gitna ng tensiyong politikal, nananatiling matatag si VP Sara, mahigpit na nakasuporta sa kaniyang ama na si dating Pangulong Duterte at sa mga kandidatong tinitindigan ang prinsipyo ng kanilang pamilya.