SA gitna ng umiigting na tensiyon sa politika ng bansa, matapang at walang pag-aalinlangang hinarap ni Vice President Sara Duterte ang mga tanong tungkol sa kaniyang nalalapit na impeachment trial.
Diretsahan niyang sinabi na handa siyang harapin ang anumang magiging hatol, mapa-acquittal man o conviction. Aniya, tanggap na niya ang anumang kahihinatnan ng paglilitis.
“Wala akong—wala akong expectations of acquittal or verdict guilty. Basta sa akin lang ay tinanggap ko na kung ano ‘yung magiging verdict. Whether guilty man ‘yun or acquittal, I’m already at peace,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Hindi rin itinanggi ni VP Sara ang kagustuhan niyang ituloy ang paglilitis, sa kabila ng legal na diskarte ng kaniyang mga abogado. Para sa kaniya, nais niyang maging matindi at malaman ang proseso ng paglilitis.
“They would not want a trial as lawyers. As lawyers, alam naman natin ang galaw ng mga abogado nung may silang mga paraan sa batas as a legal recourse for their clients. But sinabihan ko na rin talaga sila, really, I truly want a trial because I want a bloodbath talaga,” giit ni VP Sara.
Desisyon nina De Lima at Diokno na sumama sa prosecution, hindi na ikinagulat ni VP Sara
Samantala, hindi na nagulat si VP Sara nang mapabalita ang pagsama nina dating Sen. Leila de Lima at Atty. Chel Diokno sa kampo ng prosekusyon laban sa kaniya. Para sa Pangalawang Pangulo, malinaw ang dahilan ng kanilang pagsanib.
“Well, understandable. Kay Leila de Lima and kay Chel Diokno, they’ve been very vocal anti-Duterte since birth. Yes. In fact, wala pa sa mapa si dating Pangulong Rodrigo Duterte to become president ay anti-Duterte na talaga si Secretary De Lima. So, understandable na sasali sila sa prosecution ng impeachment case,” ayon pa sa Bise Presidente.
VP Sara: Panggigipit sa mga Duterte, 2028 elections ang tunay na dahilan
Sa gitna ng kabi-kabilang isyu laban sa mga Duterte, para kay VP Sara, hindi pa rito matatapos ang pagbatikos ng kaniyang mga kritiko.
Ang puno’t dulo aniya ng lahat ng ito ay ang halalan sa 2028.
“This is about the 2028 election. It’s not about ICC. It’s not about the impeachment. It’s not about confidential funds. it’s about the 2028 elections,” giit nito.
Dagdag pa ng Pangalawang Pangulo, wala pa naman siyang malinaw na pahayag kung tatakbo ba siya sa pagkapangulo.
Ngunit para sa kaniyang mga kritiko, sapat na umano ang banta ng kaniyang posibleng kandidatura upang umpisahan ang mga hakbang laban sa kaniya.
“These individuals are desperate. Desperate for, as I said, for cash, cocaine and champagne,” aniya.