SA kabila ng kagandahan at yaman ng ating kalikasan, patuloy itong nahaharap sa mga malalaking pagsubok. Mula sa mabilis na pagdami ng basura, pagkasira ng mga kagubatan, at ang lumalalang epekto ng climate change, tila unti-unti nang nauubos ang mga likas na yaman na sa atin ay ipinagkaloob.
Ang mga pagbabago sa ating kapaligiran ay nagdudulot ng seryosong banta sa ating kalusugan, kabuhayan, at kinabukasan.
Kaya naman si Vice President Sara Duterte, nanawagan sa mga Pilipino na magkaisa at kumilos upang labanan ang climate change at makilahok sa mga aktibidad na makakatulong sa pangangalaga ng kalikasan.
Sa kaniyang Earth Day video message, binigyang-diin ni VP Sara ang malaking gampanin ng bawat isa sa pagprotekta sa likas na yaman ng bansa.
Ayon sa kaniya, ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang tungkulin ng gobyerno kundi ng buong sambayanang Pilipino.
Sa ilalim ng temang “Our Power, Our Planet,” binigyang-diin ni VP Duterte ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang labanan ang climate change, pangalagaan ang biodiversity, at masiguro ang maayos na kinabukasan.
Hinikayat niya ang publiko na makilahok sa mga clean-up drive, o magsimula ng mga proyekto sa kani-kanilang komunidad gaya ng tree planting at urban greening upang mabawasan ang negatibong epekto sa kapaligiran.
Ipinagmalaki rin ng pangalawang pangulo ang programa ng Office of the Vice President na “Pagbabago: A Million Learners and Trees Campaign,” na naglalayong magtanim ng isang milyong puno sa buong bansa bago sumapit ang taong 2028.
Samantala, patuloy namang nakikipag-ugnayan ang OVP sa mga environmental advocates at ibang ahensya ng gobyerno para paigtingin ang mga inisyatiba sa pangangalaga sa kapaligiran at mapalawak ang pagkilala ng publiko sa mga epekto ng climate change.