PINASALAMATAN ni Vice President Sara Duterte ang ilang senador, mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), mga kababaihan, at ang lahat ng ordinaryong mamamayan na nagpahayag ng suporta at malasakit para sa kaniyang seguridad.
Sa kaniyang mensahe, sinabi niya na huwag nang mag-alala ang publiko sa kaniya. Hindi na rin aniya sila kailangang mag-ambagan pa ng pera para sa kaniyang security.
“Huwag kayong mag-alala sa akin. At hindi ninyo kailangan mag-ambag ng pera para sa security ko,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Pagbibigay diin ni VP Sara – ang lahat ng ito’y bahagi ng pagseserbisyo niya sa publiko.
“Ang pagtatrabaho sa pamahalaan ay pag-alay ng buhay para sa bayan. Alam nating lahat na bahagi ito ng serbisyo,” ani VP Sara.
Pero may isang hiling ang pangalawang pangulo sa taumbayan – at ‘yan ay ang matiyak ang kaligtasan ng kaniyang pamilya at huwag payagan ang anumang karahasan sa kanila – mapa-personal man o sa social media.
“Isa lang ang hiling ko sa inyo — ang kaligtasan ng aking pamilya. Huwag ninyong payagan ang anumang karahasan sa aking ina, asawa at apat na anak, personal man o sa internet. At kung sakali man, huwag ninyong palampasin ang sinumang gagawa ng kapahamakan laban sa kanila,” aniya.
Matatandaan na sa isang open letter niya kay PNP Chief General Rommel Marbil, sinabi ni VP Sara na nakompromiso ang seguridad ng kaniyang pamilya kasunod ng malisyosong pagpapalabas ng isang video na kuha habang sila ay nasa loob ng NAIA.
Ilang senador, nagpahayag ng suporta kaugnay sa seguridad ni VP Sara
Kaugnay niyan ay bumuhos ang suporta kay VP Sara kabilang na ang mga mambabatas na sina Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Sen. Robin Padilla na kapwa nanawagan sa mga dating tauhan ng AFP at PNP at sa mga sumukong rebelde na magboluntaryo na tumulong para sa seguridad ng pangalawang pangulo.
Inihayag din ni Sen. Bong Go na hindi nag-iisa si VP Sara.
Ipinaalala rin niya sa Philippine National Police na manatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at huwag magpagamit sa anumang pulitikal na agenda.
“Ipinapaalala natin sa liderato at sa buong hanay ng pambansang pulisya na manatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at huwag magpagamit sa anumang pulitikal na agenda,” wika ni Senator Bong Go.
Para naman kay Sen. Imee Marcos – dapat na ibalik ang tinanggal na security detail kay VP Sara.
“VP Sara Z. Duterte should have her security detail back ASAP. First, she is the 2nd highest elected official in the country whose safety must never be compromised,” ayon kay Sen. Imee Marcos.
Ikalawang punto ni Imee – masugid na tagapagtanggol ng batas at kaayusan si VP Sara kaya’t dapat lang na maproteksiyunan siya.
“Second, she is a Duterte, who, like her father, is a staunch defender of law and order, hence topping the CPP-NPA’s order of battle,” dagdag ni Sen. Imee.
Sa huli patama ng senadora, sino raw ba si PNP Chief Rommel Francisco Marbil at hindi niya naman ito kilala?!
Mga konsehal ng Davao, inaasahang maghahain ng resolusyon bilang pagsuporta kay VP Sara
Samantala, inaasahan naman ni Davao City Vice Mayor Melchor Quitain Jr. ang paghahain ng mga konsehal ng Dabaw ng resolusyon para suportahan si VP Sara laban sa ‘political harassment’ sa kaniya ni Marbil.
“There will be a probably a resolution supporting the Vice President,” pahayag ni Vice Mayor Melchor Quitain Jr., Davao City.
“Definitely, in the next session there will be something,” ani Quitain.
Sabi pa ni Quitain – hindi lang ang mga konsehal, kundi ang buong lungsod ng Dabaw ang nakakaalam sa ginagawang harassment kay VP Sara.
“Based on the open letter, very clear naman ‘yung nangyari. So, I will support the comment, support the stand of the VP on this. (Do you agree with the Vice President that it’s political harassment?) Oo naman. It’s very obvious for me. It’s very clear,” giit ni Quitain.
VP Sara, malinaw na hinaharass ayon sa dating presidential legal counsel
Kasabay niyan ay naniniwala rin ang dating Presidential Legal Counsel na talagang hina-harass ang pangalawang pangulo.
“Kung ikaw ang nasa lugar ni VP Sara, bakit hindi mo naman mafe-feel o mararamdaman na niyayamot ka, iniinis ka, hina-harass ka, binibwisit ka. Eh mayroon kay dati, tapos tatanggalin mo na walang pasabi. Pagkatapos ilaladlad pati pamilya mo sa publiko. Talagang maiinis. Talagang harassment ang tawag diyan,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, Former Presidential Legal Counsel.