MATINDI ang hamong kinahaharap ngayon ng pamilya Duterte. Pero sa gitna nito—nananatiling matatag ang samahan nina Vice President Sara Duterte at Senator Imee Marcos na mas lumalalim habang tumitindi ang krisis sa panig ng kanilang kampo.
Mula sa pakikipagkita sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Doha, Qatar, hanggang sa mga politikal na usapin sa The Hague, Netherlands—kapansin-pansing kasa-kasama ni VP Sara si Sen. Imee.
Sa halip na pagdudahan, giit ng Bise Presidente, si Sen. Imee ay hindi lamang kaibigan kundi aktibong katuwang sa mga mahahalagang layunin kabilang na ang legal na laban para kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Pagdating nila sa The Hague, agad nagtungo si Sen. Imee upang makipagpulong kay Atty. Nicholas Kaufman, ang legal counsel ng dating Pangulo na ngayon ay kinakaharap ang mga isyung legal sa labas ng bansa.
Sa mismong araw ng kaarawan ni VP Sara, present din nga si Sen. Imee kasama sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at Atty. Harry Roque.
Sa isang panayam, diretsahang tinanong si VP Sara kung ano ang masasabi niya sa mga Duterte supporters na tutol sa madalas na pagsasama nila ni Imee Marcos.
“Oo, hindi ko na pinipilit sa mga Duterte supporters. Dahil alam ko at nararamdaman ko kung ano ‘yung nararamdaman nila,” wika ni Vice President Sara Duterte.
Bagama’t nauunawaan ni VP Sara ang sentimyento ng ilan, nilinaw niyang hindi ito usapin ng politika kundi usapin ng prinsipyo at pagkakaibigan.
Binanggit niya ang Senate hearing na pinangunahan ni Marcos, kung saan umano’y nabunyag ang sabwatan sa likod ng diumano’y ilegal na pagdakip kay dating Pangulong Duterte.
“Isa ‘yun sa mga tulong ni Sen. Imee sa Dating Pangulong Rodrigo Duterte. Noong ginawa niya ang hearing ay lumabas doon na nagsabwatan talaga sila sa paghila, pag-kidnap, pagdukot kay dating Pangulong Duterte sa Pilipinas at inihatid siya dito sa The Hague. At merong chairperson’s report na sinabmit niya sa Ombudsman na kami ay nagdadasal na sana ay maakyat or ma-file na iyong mga cases diyan sa Ombudsman doon sa mga tao na kaparte o kasama sa illegal na pagkuha kay dating Pangulong Rodrigo Duterte,” paliwanag ni VP Sara.
Bukod sa legal na tulong, may personal na dahilan din si VP Sara kung bakit pinili niyang makasama si Sen. Imee.
“Siyempre kung ikaw may kapatid na presidente or kahit anuman, kahit hindi kayo mga public officials, na kapag meron kayong hindi pinagkakasunduan ng kapatid mo, ay malungkot ‘yun. Lalong-lalong na kapag hindi ka kinakausap. (unclear) Kaya, parang kumbaga sige, kung hindi ka man kausapin ng kapatid mo, you have a friend in the Office of the Vice President,” aniya pa.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Sen. Imee na nauunawaan niya ang pakiramdam ng pagiging malayo sa sariling bayan—kaya’t naiintindihan niya ang sitwasyon ni dating Pangulong Duterte.
Hindi aniya siya naroon para magdrama, kundi para humanap ng solusyon.
Aniya, hindi siya maghihintay ng 39 na taon para lamang magkamali muli. Giit niya—may isang Marcos na natuto sa kasaysayan.
Sa huli, tiniyak ni Sen. Imee na gagawin nila ang lahat upang maibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Duterte.