KINILALA ni Vice President Sara Duterte, sa pagdiriwang ng ika-127 Araw ng Kalayaan, ang mga bayaning Pilipino na nanindigan laban sa pang-aalipin ng mga dayuhan.
Ayon sa kanya, ang kanilang pagmamahal sa bayan ang nagbunga ng kalayaang tinatamasa ngayon ng sambayanang Pilipino.
‘’Sa kanilang mga sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ay natamasa natin ang kalayaan at namuhay tayo bilang bansang isinusulong ang sariling adhikain, interes, o pangarap,’’ ayon kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni VP Sara na ang Araw ng Kalayaan ay isang pagkakataon hindi lamang upang ipagdiwang ang kalayaan, kundi upang paalalahanan ang bawat isa sa tungkuling bantayan, pangalagaan, at ipagtanggol ito sa lahat ng panahon.
‘’Paglapastangan sa alaala ng ating mga bayani ang pagyakap sa kultura ng pagkaalipin. Paglapastangan sa diwa ng kalayaan ang pagsasawalang bahala sa paghihirap ng maraming pamilyang Pilipino at ang paglabag sa ating mga karapatan at sa batas,’’ saad nito.
Ayon sa kanya, hindi dapat masayang ang mga sakripisyo ng mga bayaning Pilipino sa harap ng patuloy na pagsubok sa kalayaan ng bansa, gaya ng katiwalian, ilegal na droga, at mga sistemikong problemang kinahaharap ng sektor ng edukasyon.
Idinagdag din niya ang lumalalang gutom at kahirapan bilang mga hadlang sa ganap na paglaya ng mamamayan.
‘’Hindi tayo lumaya para masadlak lamang sa pagdurusa ang ating bansa. Hindi tayo lumaya para muling mawalan ng karapatan at maging alipin ng iilan,’’ ani Vice President Sara Duterte.
Sa huli, muling hinimok ni VP Sara ang mga Pilipino na huwag isuko ang kalayaan sa mga taksil at walang malasakit sa mamamayan at sa bayan.
‘’Huwag nating isuko ang kalayaang ito sa mga taksil at walang malasakit sa ating mamamayan at sa ating bayan. Patuloy nating ipagtanggol ang ating kalayaan at kinabukasan mula sa mga mapang-alipin,’’ dagdag nito.