WALANG pag-aalinlangan at puno ng determinasyon ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng nagpapatuloy na usapin patungkol sa impeachment case laban sa kaniya.
Sa kabila ng kontrobersiya, matatag ang Pangalawang Pangulo sa kaniyang posisyon na nagpapakita ng hindi natitinag na paninindigan para sa mandato ng kaniyang panunungkulan.
Ayon kay VP Sara, handa na siya sa anumang magiging resulta ng proseso matapos ang halalan.
Binigyang-diin niya na bahagi ng kaniyang tungkulin ang harapin ang anumang hamon, maging ito man ay legal na proseso o usaping pampolitika.
Samantala, binigyang-diin ni VP Sara na ang kaniyang masigasig na pangangampanya ay hindi para protektahan ang kaniyang sarili mula sa impeachment case, o para sa kaniyang ama, kundi para sa pagpapatuloy ng mga nasimulang reporma at tunay na pagbabago sa bansa.
Aniya, ang bawat hakbang at desisyon ay para sa kapakanan ng mga Pilipino, sa hangaring maipagpatuloy ang mga adbokasiya at programang nagtataguyod ng kaunlaran at seguridad sa bawat Pilipino.
Matapang niya ring ipinahayag ang kaniyang layunin na itaguyod ang mga programa para sa mas maunlad at mas matatag na Pilipinas, kasabay ng pagdadala ng inspirasyon mula sa pamana ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Malinaw ang paninindigan ni VP Sara Duterte—anumang mangyari, mananatili siyang matatag para sa bayan, bitbit ang pangakong itutuloy ang laban para sa makabuluhang pagbabago.