VP Sara, nanawagan ng kooperasyon kontra dengue

VP Sara, nanawagan ng kooperasyon kontra dengue

NGAYONG papalapit na ang tag-ulan, muling pinapaalalahanan ang publiko sa panganib ng dengue. Ayon kay Vice President Sara Duterte, hindi sapat ang aksyon ng gobyerno kung walang partisipasyon ng mamamayan.

“Nakakamatay po ang sakit na dala ng lamok na may dengue na maaaring namumugad sa ating mga pamamahay at mga komunidad. Lahat tayo ay nanganganib na maging biktima ng sakit na ito,” ayon kay VP Sara Duterte.

Kaya panawagan ni VP Sara — palakasin ang mga hakbang tulad ng paglilinis ng paligid, pagtatanggal ng mga stagnant water source, at pagbibigay-kaalaman sa mga bata at magulang tungkol sa mga sintomas ng dengue.

“Ang kalusugan ng bawat isa ay responsibilidad ng lahat. Magkaisa po tayo para mapigilan ang pagkalat ng dengue,” saad nito.

Kabilang sa mga sintomas ng dengue ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, kasu-kasuan at kalamnan, pagsusuka, pantal, at pananakit sa likod ng mga mata. Maaari ring makaranas ng pamamaga ng mga glandula ang ilang pasyente.

Ayon sa Department of Health (DOH), lumalabas ang sintomas sa loob ng apat hanggang sampung araw matapos makagat ng lamok, at maaaring tumagal nang dalawa hanggang pitong araw.

Inaasahan ng DOH ang pagtaas ng kaso ng dengue ngayong tag-ulan. Kaya’t panawagan ng pamahalaan — linis, disiplina, at pagkakaisa ang susi para makaiwas sa sakit na ito.

Muli, paalala ng mga eksperto — ugaliing linisin ang paligid, iwasan ang pagkakaroon ng stagnant water, at agad na kumonsulta sa doktor sa oras na maranasan ang mga sintomas. Sa dengue, buhay ang nakataya — kaya’t dapat magtulungan ang lahat.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble