TINIYAK ni Vice President Sara Duterte sa founding anniversary ng Mindanao Development Authority (MinDA) na suportado ng kaniyang tanggapan ang mga big ticket projects sa Mindanao.
Binigyang-pugay ni VP Duterte ang pagsusumikap ng Mindanao Development Authority upang maging maunlad ang Mindanao.
At sa kaniyang talumpati, inihayag nito ang kahandaan ng OVP na tulungan ang MinDA na maipatupad ang mga malalaking proyekto sa lugar.
Dinaluhan ni VP Duterte nitong Huwebes ang ika-13 na founding anniversary ng Mindanao Development Authority (MinDA) sa Davao City.
Sa kaniyang talumpati, binati ni VP Duterte ang MinDA sa kanilang pagsusulong ng aktibong partisipasyon ng lahat ng sektor para mapaunlad ang socioeconomic condition sa Mindanao.
Bilang isang Dabawenya at mula sa Mindanao, sinabi ni Duterte na kaniyang ipinagmamalaki na nagmula ang MinDA sa isang lugar na kaniyang itinuturing na tahanan.
Dagdag pa ng pangalawang pangulo, na ang MinDa, bilang isang institusyon, ay isang pagkilala na ang Mindanao ay higit pa sa isang lugar para sa digmaan, mga teroristang grupo at karahasan.
Ayon kay VP Duterte na bagama’t totoo, ang mga ito ay isang kuwento na ng nakaraan.
Dahil aniya sa pagsusumikap ng mga tauhan ng MinDA sa mga nagdaang taon ay patuloy na lumalago ang lugar.
“There were times when bombs were exploding in some parts of Mindanao and communities have turned into ghost towns — and yet, MEDCO people, and then later, MinDa people, were talking nonstop about Mindanao being an investment hub for the BIMP EAGA Region. Mindanao. Investment hub. It has become their mantra, and it should become our mantra as Mindanawons,” pahayag ni VP Sara Duterte.
Tiniyak naman ni VP Duterte na suportado ng kaniyang tanggapan ang mga big ticket projects sa Mindanao.
“I feel that providing a space, a table, in the Office of the Vice President is not enough to support the Mindanao Development Authority. I always said that if there are big ticket projects coming from Mindanao, from across the regions, I always remind them to let us know — the Office of the Vice President — so that we can help push the agenda, the projects on the national stage,” saad pa ni VP Duterte.
Ang Mindanao Development Authority ay ang nangungunang ahensya na naglalayong mapabilis ang socio-economic development ng Mindanao sa pamamagitan ng mga iba’t ibang programa at proyekto.
Bago naging MinDA, ang opisina ay dating kilala bilang Mindanao Economic Development Council (MEDCo) na itinatag sa pamamagitan ng Executive Order 512 noong 1992.
Nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Republic Act 9996, na nag-uutos sa paglikha ng Mindanao Development Authority noong 2010.