NILINAW ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na walang legal na pagbabawal kay Vice President Sara Duterte na lumahok sa legal defense team ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kaso nito sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Escudero, ang tanging opisyal na ipinagbabawal lumahok sa paglilitis sa korte o tribunal sa Pilipinas ay mga miyembro ng Kongreso, dahil maaaring magamit ang kanilang posisyon upang maimpluwensiyahan ang mga hukuman.
“Ang pinagbabawal na mag appear in any court or tribunal in the Philippines is a member of Congress. I cannot appear in any court unless it is a case involving me. Bakit? Ayaw kasi na maimpluwensyahan ng kanyang pwesto ang posisyon ng husgado,” saad ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Dagdag pa niya, bagamat si VP Duterte ay isang halal na opisyal at tumatanggap ng suweldo mula sa gobyerno, wala itong epekto sa kaniyang karapatan na tumulong sa legal na pagtatanggol sa kaniyang ama.
“Siya ay elected official, siya ay elected officer ‘di ‘yan kasama sa impeachable offenses na diumano ginawa nya…. Walang batas na nagbabaqal sa kanya na gawin nya ‘yun,” dagdag ni Escudero.
Iginiit din ni Escudero na walang anumang batas o regulasyon na nagsasabing hindi maaaring tumulong si VP Duterte sa legal na proseso na kinakaharap ng kaniyang ama sa ICC.
Samantala, una nang sinabi ni VP Duterte na personal niyang desisyon ang pagtulong sa kaniyang ama, kasabay ng paninindigan niya laban sa umano’y panghihimasok ng ICC sa Pilipinas.
Nanindigan ang kampo ni dating Pangulong Duterte na hindi nito kinikilala ang hurisdiksiyon ng ICC sa bansa, matapos umatras ang Pilipinas mula sa kasunduan noong 2019 sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Follow SMNI News on Rumble