OPISYAL nang nagtapos nitong Martes, Hulyo 16, 2024 ang Passing Exercise sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at United States Coast Guard (USCG) sa katubigan ng Lubang Island.
Lumahok sa pagsasanay ang BRP Melchora Aquino (MRRV 9702) kasama ang USCG Cutter Waesche (WMSL-751) ng Amerika.
Pangunahing target ng pagsasanay ang mapabuti at mapalakas pa ang parehong mandato ng dalawang bansa sa pagtataguyod ng maritime safety and environmental protection sa rehiyon at maayos na relasyon sa iba pang coast guard mula sa mga kaalyadong bansa.
Isa sa mga highlights ng aktibidad ang Water Cannon Exercise ng BRP Melchora Aquino (MRRV 9702).
Pero paglilinaw ni PCG on the West Philippine Sea Spokesperson Commodore Jay Tarriela, isinagawa ang water cannon activity bilang paghahanda sa firefighting scenario.
Umaasa naman ang Pilipinas sa mga paparating pa na mga pagsasanay kasama ng iba pang mga bansa para mapalakas at mapaigting pa ang kakayahan nito lalo na sa pagresponde sa mga inaasahang maritime contingencies at pagpapanatili sa mapayapang rules-based maritime order.