ISANG araw bago ang opisyal na umpisa ng campaign period ay binawi ni Agri Party-list Representative Wilbert Lee ang kaniyang kandidatura sa pagka-senador.
Sa isang press conference, sinabi ni Lee na kinapos siya sa oras at kulang ang kaniyang makinarya para sa papalapit na halalan sa Mayo.
Si Lee ay kabilang sa mga pinakaunang nagpahayag ng kandidatura at nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) sa pagiging senador.
Sa katunayan ay isang taon bago ang taon ng halalan ay tadtad na ng kaniyang billboards ang ilang pangunahing kalsada ng Metro Manila.
Pag-atras ni Willbert Lee, hindi makakaapekto sa pag-imprenta ng mga balota
Sa kabilang banda, sinabi naman ni George Garcia, chairman ng Commission on Elections (COMELEC) na mananatili pa rin sa balota ang pangalan ni Lee. Ito ay sa kabila ng kaniyang pag-atras sa 2025 senatorial elections.
At sakali mang may matanggap na boto si Lee ay ikokonsidera ito ng ng ahensiya na ligaw na mga boto.
“We will not order the reprinting of ballots. His name will remain in the ballots, and if he receives any votes, it is considered stray,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Si Lee ang pangatlong senatorial candidate na umatas sa halalan.
Bago si Wilbert Lee ay nag-withdraw na rin ng kanilang kandidatura sa pagka-senador sina dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson at Norman Mangusin na mas kilala bilang Francis Leo Marcos.
Proclamation rally ni Pastor Apollo C. Quiboloy, gaganapin sa Pebrero 11
Kaugnay nito, wala nang makapipigil pa sa pagtakbo ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa Senado. Ito ay sa kabila ng kaniyang pagkaka-detain dahil sa mga kaso na hanggang ngayon ay wala pang desisyon mula sa korte.
Sa Pebrero 11 ay libu-libong supporters ni Pastor Quiboloy ang makikiisa sa kaniyang proclamation rally na isasagawa simula 5 PM sa Ynares Sports Center Pasig City.
Sa Pasig ay isasagawa rin ang kaparehong kaganapan sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao.