100 dating miyembro ng MNLF at MILF, nagtapos sa Bangsamoro Police Basic Recruit Course

100 dating miyembro ng MNLF at MILF, nagtapos sa Bangsamoro Police Basic Recruit Course

ISINAGAWA ang graduation ceremony ng Bangsamoro Police Basic Recruit Course (BPBRC) Batch 2023-01 Class Alpha-Bravo “Bakas-Lipi” o ‘Bangsamorong Kapulisan, Sandigan ng Lipunang Pilipino’ sa Parang, Maguindanao del Norte nitong Lunes, Abril 29, 2024.

Nakiisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nasabing seremonya kasama ang iba pang mga opisyal.

Ang 100 police graduates na nagtapos ng kanilang pagsasanay ay mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

Sinabi ni Police Major General Ritchie Medardo Posadas, director ng Philippine National Police Training Institute (PNPTI) na

sila ang unang batch ng PNP recruits mula sa MILF at MNLF na papasok sa hanay ng kapulisan sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL), ang charter ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“This will be the first batch of the PNP recruits coming from the MNLF and MILF.”

“The training program was carefully crafted to capacitate ang transform former MILF and MNLF members into highly competent, well-disciplined and morally upright peacekeepers and peace builders in the region,” ayon kay PMGen. Ritchie Medardo Posadas, Director, PNP Training Institute.

Ang bagong police graduates ay itatalaga bilang mga temporary patrolmen at patrolwomen batay sa nakasaad sa National Police Commission (NAPOLCOM), kung saan bibigyan ang mga ito ng 15 taon mula nang makapasok sa PNP, para kumuha ng college degree.

Batay na rin ito sa pamantayang itinakda ng PNP para maging permanenteng miyembro ng PNP.

Ang mga bagong pulis ay kabilang sa 11,000 dating rebelde na kumuha ng qualifying examination na isinagawa ng NAPOLCOM noong Mayo 29, 2022.

Mababatid na may tatlong batch ng mga dating rebelde na sumasailalim sa pagsasanay sa pulisya.

Batay sa Bangsamoro Organic Law, maaaring i-waive ng NAPOLCOM ang edad, taas, at educational requirements upang mapadali ang pagpasok ng mga dating miyembro ng MNLF at MILF sa puwersa ng pulisya.

Ang pagpasok ng mga miyembro ng MILF at MNLF sa PNP ay itinatadhana sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), ang kasunduang pangkapayapaan na nilagdaan ng gobyerno at MILF noong 2014.

Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, naging daan para sa magandang buhay para sa Bangsamoro— Galvez

At nitong Abril 29, ipinagdiriwang ang ika-10 anibersaryo ng pagkalagda ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro sa Camp Iranun sa munisipyo ng Barira, Maguindanao del Norte.

Sa kaniyang talumpati, inihayag ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. na ang landas na tinahak ng bansa mula nang mabuo ang kasunduan ay kapansin-pansing binago ang socioeconomic at socio political landscape ng Bangsamoro Region at ng iba pang bahagi ng Mindanao.

Naging daan aniya ito para sa kinabukasan na puno ng pag-asa at pangako ng mas magandang buhay para sa mga Bangsamoro at lahat ng Pilipino.

Nagbigay rin ng kaniyang mensahe sa naturang event si BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim.

Samantala, nagkaroon din ng pag-aalay ng bulaklak sa Marine Warrior Memorial upang parangalan ang katapangan at sakripisyo ng 53 nasawi na mga marine, sundalo at mga mandirigma noong all-out war noong 2000, na kilala bilang Central Mindanao Campaign.

Ang Comprehensive Agreement ay ang kasunduan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas (GPH) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Dito nakasaad ang anyo ng Bangsamoro bilang isang political entity na pumalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Sinisimbolo rin nito ang katapusan ng deka-dekadang kaguluhan at kawalan ng kapayaapan sa Bangsamoro.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble