Karamihan sa mga ahensiya ng gobyerno, kulang o walang cybersecurity expert—DICT

Karamihan sa mga ahensiya ng gobyerno, kulang o walang cybersecurity expert—DICT

BILANG isang Computer Science student, nakikita ni Mark ang kahalagahang magkaroon ng abilidad sa cybersecurity.

Lalo na aniya sa panahon ngayon na kadalasang puntirya ng mga cyber attacks o hacking ang sistema ng ilang ahensiya ng gobyerno.

Kaya naman hindi nagdalawang-isip si Mark na muling sumali sa HackforGov competition ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Biyernes para mas lalo aniyang mahasa ang kaniyang kakayahan pagdating sa cyber security at digital forensics.

‘‘Mostly po kasi ‘yung mga threat actors po inaatake ‘yung mga government agencies. So pagka mayroon pong ganitong katulad na competition mahihikayat po ‘yung students mas lalo pang mag-practice and ever po sa government na rin sila mag-apply dahil government na nagho-host ditto,’’ ayon kay Mark Owen Ramos, New Era University.

Para naman sa Information Technology student na si Angelyn, mas nagkaroon ito ng interes na sumali sa HackforGov dahil kakaunti lang daw ang mga kababaihan sa larangan ng cyber security.

‘‘I’m into cyber security. And ‘yun nga po umattend ako sa event last time, Girls in ICT, and sabi po kakaunti lang po ‘yung girls sa cyber security field. Parang nakaka-motivate to try and pursue that field po,’’ pahayag naman ni Angelyn Hores.

Ganoon din si Bernadette na kasama ni Angelyn sa team sa HackforGov.

Bagama’t Civil Engineering ang kinukuhang kurso ni Bernadette ay nais niyang matuto pagdating sa cybesecurity na magagamit daw niya bilang pagka siya’y naging engineer na.

‘‘It more on merging po eh. Civil engineering as well as technology kasi ‘yung civil engineering po, it’s a broad field po eh. Siyempre sa mga systems for example ‘yung mga ginagamit namin to measure things or to record things, siyempre kailangan din ng security non. And cybersecurity is applicable to many fields po,’’ ayon din kay Bernadette Ocampo, Pamantasang Lungsod ng Maynila.

Aminado ang DICT na sa gitna ng kaliwa’t kanang pag-atake sa mga sistema at website ng ilang ahensiya ng pamahalaan, kulang na kulang ang mga eksperto sa Pilipinas pagdating sa cybesecurity.

Katunayan sa Cyber Security Bureau ng DICT, dalawangdaang tauhan ang kinakailangan pero nasa 60 lang ang kanilang empleyado na mas mababa kumpara sa dami ng eksperto sa mga karatig na bansa sa Asya tulad ng Myanmar.

Ang masaklap pa niyan ayon kay Cybersecurity Bureau Director Jose Carlo Reyes, hindi lahat ng ahensiya ng gobyerno ay may mga cybersecurity personnel.

‘‘Karamihan wala. With all honesty karamihan wala. Even private organizations, most of them wala talagang specific group or person focusing on cybersecurity,’’ ayon kay Dir. Jose Carlos Reyes, Cybersecurity Bureau-DICT

Ilan sa mga dahilan sa kakulangan ng mga eksperto sa cybersecurity sa gobyerno ani Reyes ay ang mababang sahod.

Dagdag pa nito ay mas pinipili ngayon ng mga kabataang magtrabaho abroad kung saan mas malaki ang kita.

‘‘Alam naman natin ‘yung pay sa government ‘yung salary grade no buts, no ifs, ito ‘yung sweldo, you want to accept it or not. Sa private sector, similarly, nagkukulang sila because sometimes alam naman natin ‘yung younger ones, ‘yung kanilang mga priorites in mind ‘yung level of salary,’’ dagdag pa ni Dir. Reyes.

DICT, umaasang dadami ang mga kabataang magtatrabaho sa larangan ng cybersecurity sa pamamagitan ng HackforGov

Kaya naman umaasa ang DICT na sa pamamagitan ng HackforGov ay dadami pa ang mga kabataan na magkakainteres na pumasok sa mga trabahong may kinalaman sa cybersecurity.

‘‘Alam naman natin ‘yung ating pool of experts ng cyber security is quite declining. So we want to build a pool of cybersecurity professionals to serve government, private organization, hopefully here in the Philippines.’’

‘‘Hopefully, we could have realize na alam mo iyon parang mayroon na tayong spare to send abroad, and we could have more na mare-retain dito sa Pilipinas to address our needs as well,’’ saad pa ni Reyes.

Matatandaan na ilang ahensiya na ng gobyerno ang nabiktima ng hacking kabilang ang PhilHealth, Department of Science and Technology (DOST), at Philippine Statistics Authority (PSA).

Paglalahad ng DICT sa isang pagdinig sa Kamara kamakailan na mula December noong 2023, nakadiskubre sila ng higit 30,000 na vulnerabilites sa humigit kumulang dalawang libong digital assets ng pamahalaan.

Sampung ahensiya ng gobyerno naman ang tinukoy ng DICT na pinaka vulnerable sa cyber attack.

Mga ahensiya ng gobyerno na vulnerable sa mga cyberattack:

Department of Health

Department of Information and Communications Technology

Department of Transportation

National Economic Development Authority

Philippine National Police

Department of Environment and Natural Resources

Philippine Economic Zone Authority

Civil Service Commission

Office of the President

Department of Science and Technology

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble