Partido Federal ng Pilipinas, makikipag-alyansa sa iba’t ibang partido para sa 2025 midterm polls

Partido Federal ng Pilipinas, makikipag-alyansa sa iba’t ibang partido para sa 2025 midterm polls

MAKIKIPAG-alyansa ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa iba’t ibang political parties para sa midterm elections sa 2025.

Nabanggit ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa panunumpa ng mga bagong miyembro ng PFP nitong Mayo 1.

Kabilang sa mga partidong ito ang Lakas–Christian Muslim Democrats, Nationalist People’s Coalition (NPC), at ang National Unity Party (NUP).

Idinagdag pa ni Pangulong Marcos na nakausap na niya ang mga lider ng ibang partido at nakikita niyang mukhang interesado naman ang mga ito na matalakay ang nasabing usapin.

Nitong Miyerkules, isinagawa ang panunumpa sa hindi bababa sa 34 na bagong miyembro ng PFP.

Ang mga bagong kasapi ay binubuo ng ilang miyembro ng House Representatives, mga gobernador, bise gobernador, board member at iba pang inductees.

Bahagi umano ang event na ito ng mga paunang hakbang ng PFP habang inaayos nito ang lineup ng partido para sa paparating na halalan sa susunod na taon.

Ang PFP ay isang pambansang partidong pampulitika sa Pilipinas na pinamumunuan ni Marcos Jr. at nabuo noong 2018.

Kung matatandaan, ang PFP, Lakas-CMD, Hugpong ng Pagbabago (HNP), at Partido ng Masang Pilipino (PMP), at guest candidates mula sa iba pang partido ang bumuo ng UniTeam Alliance noong 2022 national polls.

Samantala, sinabi ni PFP President at South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo na hindi kasama sa kinakausap ng partido ang Hugpong ng Pagbabago na partido ni Vice President Sara Duterte.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble