1.8-M senior citizens, target mabakunahan sa ‘Bayanihan, Bakunahan 4’

1.8-M senior citizens, target mabakunahan sa ‘Bayanihan, Bakunahan 4’

MATAPOS ang tatlong yugto ng nationwide vaccination drive ng pamahalaan ay nakatakda namang gawin ang fourth wave nito ngayong linggo.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, bibigyang prayoridad part 4 ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ ang A2 category o senior citizens na hindi pa rin naku-kompleto ang kanilang primary dose series at ang nakatakdang makakuha ng booster shots.

Aniya target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 1.8 milyong senior citizens sa buong bansa.

Nakatakda itong gawin sa Marso 10, 11, at 12 na may tagline na “March to Vaccinate.”

Katuwang ng pamahalaan ang local government units (LGUs), lahat ng ahensya at private sector sa naturang national vaccination drive.

Magsasagawa rin ng house-to-house vaccination ang pamahalaan at palalawakin pa ito sa workplaces upang makapagbakuna pa ng mas maraming indibidwal.

Kung matatandaan, iniulat ng DOH na may kabagalan ang pagbabakuna lalo’t ang iba ay walang sense of urgency na makapag-booster shot.

Sa katapusan ng Marso, target ng gobyerno na gawing fully vaccinated ang 77 milyong Pilipino laban sa COVID-19.

Habang 90 milyon naman ang puntirya bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa katapusan ng Hunyo ngayong taon.

Tiniyak naman ng DOH na may sapat na suplay ng COVID-19 vaccines ang bansa.

Follow SMNI News on Twitter