Kahandaan ng military base sa Pag-asa Island sa WPS, tiniyak ng AFP

Kahandaan ng military base sa Pag-asa Island sa WPS, tiniyak ng AFP

PERSONAL na binisita ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino ang military base sa Pag-asa Island.

Layon ng nasabing pagtungo ng AFP na matiyak ang kahandaan ng military defense ng bansa upang ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas partikular na ang mga islang pinag-aagawan sa West  Philippine Sea (WPS).

Ani Centino, nananatili ang misyon ng bansa na huwag isuko ang sakripisyo ng mga Pilipino at huwag ipamigay ang pag-aari ng bansa sa kahit kanino.

Ang Pag-asa Island ang pangalawang pinakamalaking isla sa pinag-aagawang Spratly Archipelago na kabilang sa teritoryo ng Pilipinas.

Matatagpuan ito 480 kilometro sa kanluran ng Puerto Princesa City at nasa hurisdiksyon ng Kalayaan, Palawan.

Ang Kalayaan Group of Islands ay dineklarang teritoryo ng Pilipinas sa bisa ng Republic Act 9522 o ang An Act to Define the Baselines of the Territorial Sea of the Philippines noong 2009, alinsunod sa Article 121 ng United Nations Convention on  the Law of the Sea (UNCLOS).

Taong 2017 nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte  ang pagsasaayos sa kondisyon ng pamumuhay sa nasabing teritoryo ng bansa kabilang na ang pag-sasaayos ng mga pasilidad tulad ng barracks, seguridad ng mga mangingisdang Pinoy mula sa maayos na pagkukunan ng tubig hanggang sa kanilang ligtas na pangingisda.

Ang pag-okupa at pagpapalakas ng presensya ng militar sa mga teritoryong pag-aari ng Pilipinas sa WPS ay pagpapakita lamang aniya ng malakas na pagtatanggol ng bansa mula sa mga nagtatangkang sakupin ang pag-aari at pamumuhay ng mga Pilipino sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Kaugnay nito, itinaas na rin ang ranggo ni Western Command Vice Admiral Alberto B. Carlos ng Philippine Navy bilang 3-star general matapos ang  retirement ni Vice Admiral Ramil Roberto Enriquez noong Enero.

“Today, we are veering away from the usual elaborate and formal donning ceremony as the event all the more highlights or gives more meaning to awarding the rank to Vice Admiral Carlos. This is very significant because we are all here in the most remote deployment of our troops, the valiant defenders of the Philippines’ first frontier,” ayon kay Centino.

Nito lamang nakaraang linggo nang dumating sa bansa ang isa sa 2 pinakamalalaking barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na gagamitin sa maritime security at disaster response ng pamahalaan sa palibot ng WPS.

Ilang araw mula ngayon ay nakatakda itong ikomisyon ng pamahalaan at papangalanan itong BRP Teresa Magbanua habang sa susunod na mga buwan ay tiniyak naman ang pagdating ng isang MRRV-97  mula sa Japan.

Follow SMNI News on Twitter