NAGSAGAWA ng awards rites sa Ceremonial Hall sa Malacañang Palace nitong Miyerkules, Pebrero 14, 2024.
Sa naturang event, iginawad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Presidential Medal of Merit kay Maria ‘Whang-od’ Oggay, isang Filipina centenarian na may hawak ng kilalang titulo ng ‘Mambabatok’ o isang master tattooist ng ‘batek’ – ang katutubong skin inscriptions ng Kalinga.
Ang ‘batek’ ay isang tradisyunal na Filipino body art na inilapat sa pamamagitan ng hand-tapped pricking method, gamit ang intrinsic instruments tulad ng carabao horns at fruit thorns.
Dahil sa galing ng 106-year old tattoo artist, maraming mga turista ang dumagsa sa kaniyang nayon at hinahanap siya.
Ang mga tattoo ni Whang-od ay nakakuha ng pagkilala sa parehong lokal at sa ibang bansa.
“As Apo Whang-Od’s works appeal to diverse cultures and across political divides, she becomes an enabler for unity and an example of an idea that binds us all. She is truly a national treasure,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
2023 Outstanding Government Workers, pinarangalan ni PBBM
Samantala, ginawaran din ng pagkilala ni Pangulong Marcos Jr. ang 2023 Outstanding Government Workers ng Civil Service Commission (CSC).
Iginawad ang 2023 CSC Pag-asa Award, Presidential Lingkod Bayan, at Dangal ng Bayan Award sa mga lingkod-bayang nagpakita ng pambihirang husay sa trabaho.
Kinilala ni Pangulong Marcos ang kontribusyon ng awardees na nagmula sa akademya, Philippine National Police, lokal na pamahalaan, at healthcare sector.
Kasama sa binigyang pagkilala ng pangulo ang mga nagawa ng Lead Contact Tracing Team mula sa Pamahalaang Lungsod ng Baguio sa pangunguna ni Mayor Benjie Magalong noong kasagsagan ng pandemya.
“We also thank the Landbank Agent Banking Program Team for introducing branchless banking to promote financial inclusion; [applause] and as we have mentioned before, the S-PaSS Core Team for helping ease movement during the pandemic,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Kaugnay rito, tiniyak ni Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng pamahalaan para mapabuti ang kapakanan ng civil servants.
Ang Honor Awards Program (HAP) ay bahagi ng mekanismo ng mga gantimpala at insentibo ng gobyerno.
Nilalayon nitong mag-udyok o magbigay ng inspirasyon sa mga opisyal at empleyado ng estado na pagbutihin ang kalidad ng kanilang performance at palalimin pa ang pakikilahok sa serbisyo publiko.
“So, let me reiterate the administration’s commitment to enhance your—to support and work and enhance your working conditions to support professional development in civil service,” aniya.