LIGTAS na nakauwi sa bansa kagabi ang 13 Pilipino na nailikas ng pamahalaan mula Ukraine.
Pasado 10:00 kagabi nang lumapag sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplano ng Emirates Airlines Flight EK 334 kung saan sakay ang 13 Pilipino.
Kabilang si Therese ang mapalad na nakauwi na sa bansa kasama ang kanyang anak mula sa Dnipro na hindi naman kasing tindi ang kaguluhan doon kumpara sa Kyiv, pero bago pa man lumala ang tensyon doon ay nagpasya na lang itong umuwi sa Pilipinas.
“Hindi pa naman ganun kahigpit ang government na magsabi na wala po muna…tuloy pa rin po yung work tuloy pa rin yung ano…kasi po ang sinasabi ng government na from the president of Ukraine na safety po ang lahat,” ayon kay Therese.
Si Greg naman na isang graduating student sa Ukraine ay nagpasya na ring umuwi sa bansa dahil ramdam nito ang kaguluhan sa kanilang lugar sa Kyiv na posible pang lalala, ikinalulungkot man niya ang umuwi ng bansa, pero mas pinili niya ang ligtas na mamuhay sa Pilipinas.
“Early morning from around 4 or 5am Ukraine time. When we started hearing explosion near our place and after that few hours later we were called by our university staff and told us to go down to the shelters like bomb shelters because it wasn’t safe and the sirens were going on so yes po nakakarinig kami ng bombs not just that time but other times din po,” ani Greg.
Ayon naman kay Undesecretary Sarah Lou Arriola ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA), karamihan din sa mga Pilipinong umuwi ay galing ng Kyiv na itinawid sa Lviv.
Bukod sa labing tatlong nakauwi, may apat na mga kababayan ang hindi nakalipad dahil naabutan ng pagsasara ng paliparan sa Ukraine.
Ani pa ni Arriola bukod sa bilang na ito may 15 pa sa Lviv ang itatawid ngayong araw papuntang Warsaw, Poland para naman sa repatriation pauwi ng Pilipinas.
“Pero medyo kalat-kalat kasi ngayon ‘yung mga Pilipino. We have around a 141 people undentified to be still inside the Ukraine. Tapos mayroong seafarers identified around 87 nasa sa border, border sila. Ito yung mga hindi naman talaga sila inside Ukraine just so happens na nandun yung mga ship nila na biglang na-stranded tapos hindi rin makaalis dahil nagputukan na eh,” ayon kay Arriola.
Paglilinaw din ni Usec. Arriola na wala pa ring katiyakan kung ilan pa sa mga kababayan natin ang magpapasyang umuwi ng Pilipinas.
“Well, actually wala tayong documented workers sa Ukraine, not all of them because we stop deployment in 2014. So, they are in irregular status,” dagdag ni Arriola.
Sa bilang ng mga umuwing Pilipino mula Ukraine umabot na sa 19 sa mga kababayan natin ang nakauwi na sa bansa simula nang lumala ang tensyon doon.