14 na Abu Sayyaf Group (ASG) members ang nagbalik-loob at sumuko sa 101st Infantry Brigade Headquarters nito lang Oktubre 4, 2023, araw ng Miyerkules.
Isinuko rin ng nasabing grupo ang kanilang mga armas sa 101st Infantry Brigade Commander Brigadier General Alvin Luzon sa 101st Infantry Brigade Headquarters sa Brgy. Tabiawan, Isabela City, Basilan.
Kabilang sa mga isinuko na baril ang dalawang 7.62mm M14 rifles, limang 5.56mm M16 rifles, isang 5.56 M653 rifle, dalawang M79 grenade launcher, dalawang caliber, .30 M1 garand rifles, at isang 9mm Intratec TEC-kg9 assault rifle.
Ang boluntaryong pagsuko ng mga FVE ay nagpakita ng tagumpay na pagtutulungan ng mga local government units/agencies, security sector ng gobyerno, at ng komunidad.
Higit pa rito, malaking tagumpay ang pagpapakita ng pagnanais ng lalawigan na wakasan ang terorismo at magtatag ng ASG-free na rehiyon.
Sa kabilang banda, pinuri ni Maj. Gen. Patrimonio ang pagtutulungan ng mga unit ng militar, LGUs/LGA, pribadong sektor, at komunidad ng Basilan sa pagdadala ng pag-asa at pagpapaalala na ang positibong pagbabago ay makakamit kahit sa panahon ng kahirapan.
“Napakasarap ng pakiramdam kung ang inyong lugar ay nadatnan niyong magulo pero ngayon nakita mong tahimik na tahimik na. Kaya ‘yun din ang aming aspiration bilang commander ng task force na mapabilis ang pagtahimik dito sa probinsya ng Basilan,” ayon kay Major General Ignatius Patrimonio, Commander of the Joint Task Force Orion, 11th Infantry Division Commander.
Ayon naman kay Brigadier General Luzon, naging posible ang pagsuko ng mga ASG members dahil sa pagkakaisa at pagsisikap ng 64th at 18th Infantry Battalion, 4th Special Forces Battalion, 5th Scout Ranger Battalion, at mga Intelligence Unit.
Nais din ipahatid ang tagumpay na ito sa walang patid na suporta ng Basilan Provincial Police Office at ng local government unit’s (LGUs) ng Sumisip, Hadji Mohammad Ajul, Tipo-Tipo, at Lantawan, sa Basilan Province.
Pinuri naman ni Major General Steve Crespillo, Commander ng Western Mindanao Command, ang Joint Task Force Orion sa pagdagsa ng mga sumusukong ASG sa lalawigan ng Basilan.
Sa ngayon, sumasailalim sa custodial debriefing ang mga sumukong personalidad habang ang kanilang mga armas ay una nang idineposito sa 101BDE headquarters para sa tamang beripikasyon, dokumentasyon, at disposisyon.