185 pamilya, inilikas sa Occidental Mindoro dahil sa Bagyong Fabian

185 pamilya, inilikas sa Occidental Mindoro dahil sa Bagyong Fabian

INILIKAS ang daan-daang pamilya mula sa apat na komunidad sa tatlong munisipalidad ng Occidental Mindoro dahil sa pagbaha na epekto ng habagat na pinag-ibayo pa ng Bagyong Fabian.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, ang 185 families o 641 katao ay mula sa binahang lugar ng Sablayan, Santa Cruz at Mamburao sa Occidental Mindoro.

Una nang iniulat na nasira ang likuang tulay sa Barangay Lumang Bayan dahil sa pagbaha kung kaya’t may mga barangay na na-isolate, ito ang barangay Dayap at Barahan sa Santa Cruz.

Ang iba namang mga bayan ay nakaranas ng hanggang baywang na baha dahil sa walang hintong pag-ulan.

Ani Timbal, pansamantalang tumutuloy ang mga ito sa anim na mga evacuation center kung saan binibigyan ng mga relief goods ng lokal na pamahalaan.

Samantala, nakapagtala ang NDRRMC ng labingpitong insidente ng pagbaha sa National Capital Region (NCR), 8 sa MIMAROPA, 5 landslides at maritime incident.

SMNI NEWS