NABAWI ng 57th Infantry (Masikap) Battalion nitong Lunes ng hapon, Hunyo 26, ang dalawang M16 rifles ng communist terrorist group (CTG) matapos ang engkuwentrong naganap sa Brgy. Batang Bagras, Palimbang, Sultan Kudarat.
Ayon kay Lt. Col. Guillermo Mabute Jr., 57IB Commander, habang patuloy ang kanilang security operations ay nakaengkuwentro ng 57IB ang nasa 13 na mga miyembro ng CTG na tumagal ng 15 minuto.
Agad na nagsagawa ng pagsiyasat sa encounter site ang tropa ng militar at nadiskubre nito ang naiwang dalawang armas, dalawang magazine, personal na kagamitan, subersibong dokumento at mantsa ng dugo.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng pursuit operations laban sa mga nagsitakas na mga komunistang terorista, ayon kay Brig. Gen. Michael Santos, 603BDE Commander.
Ayon naman sa pahayag ni Major General Alex Rillera, commander ng JTF Central at 6ID, matagal nang nakahanda ang pamahalaan para sa sinumang nais magbalik-loob sa gobyerno.
Katuwang ang mga ahensiya ng gobyerno, isang magandang buhay aniya ang naghihintay sa mga nais magbagong buhay at iwan ang masalimuot na kilusang CPP-NPA-NDF.
Batay sa datos ng militar, ngayon nasa 21 na CTG ang nagbalik-loob, 5 ang naaresto at 10 ang nasawi mula sa engkuwentro.
Habang nasa 25 na armas ang isinuko at 25 din ang nabawi.