DALAWANG warehouse ang sinalakay ngayong araw ng Bureau of Customs (BOC) katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa San Fernando, Pampanga at San Jose del Monte, Bulacan.
Batay sa pagtataya ng mga awtoridad, nasa P220M ang halaga ng mga nakumpiskang sako-sakong nakaimbak na asukal na humigit kumulang sa 44,000 sako.
Hinala ng mga awtoridad ang mga asukal ay inimport mula Thailand.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, may nakita rin ang mga awtoridad na mga sako-sakong asukal sa mga delivery vans nang isagawa ang raid.
Mayroon ding nakita na mga imported items sa warehouse tulad ng cornstarch mula China, sako-sakong imported na harina, plastic products, langis na nasa plastic barrels, television sets, pintura at motorcycle parts, mga gulong na may iba’t ibang brand, helmet at LED.
“Kanina mayroon silang na padlock sa San Fernando, Pampanga. Nagkaroon ng on the suspicion or dahil may intel na nareceive yung BOC na ito ay possibly smuggled or suspected smuggled na asukal. At 10 this morning nagconduct sila ng inventory at saka dumating din ang mga kinatawan ng DTI at ng Sugar Regulatory Administration to determine kung ito ay hoarded na sugar or ginagamit sa price manipulation. Yun lang po,” pahayag ni Cruz-Angeles.
Ayon kay Angeles, ang pagpunta ng mga awtoridad sa warehouse ay order galing mula kay Executive Secretary Victor Rodriguez alinsunod sa kautusan ni PBBM sa BOC na mag inspeksyon sa mga bodega o warehouses na maaaring nagho-hoard ng asukal.
Dahil dito asahan daw na marami pang inspeksyon na gagawin ang BOC.
“Well hindi po sya raid, I apologize, nagsagawa ng exercise of visitorial powers ang ating BOC tungo sa orders ni Executive Secretary Vic Rodriguez, tungo rin sa direktiba ng ating Pangulo na icheck ang mga warehouses para sa mga smuggled or hoarded na asukal,” ayon kay Cruz-Angeles.
“But we can confirm that there is another one today and possibly more in the coming days,” dagdag nito.
Sinabi naman ni Executive Sec. Vic Rodriguez na ang naganap na pagsalakay ay babala na rin sa mga unscrupulous traders na kasalukuyang nag-iimbak ng kanilang mga stock ng asukal upang kumita mula sa kasalukuyang sitwasyon ng kakulangan sa artificial na asukal.
“The BoC’s Pampanga sugar warehouse raid may very well serve as a warning to unscrupulous traders who are currently hoarding their stocks of sugar in order to profit from the current artificial sugar shortage situation,” pahayag ni Rodriguez.
Isang warehouse din sa San Jose del Monte Bulacan ang sinalakay ng mga awtoridad.
Ayon sa BOC ang magkahiwalay na raid ay isinagawa ng ahensiya katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Trade and Industry (DTI), Sugar Regulatory Administration (SRA), at Department of Agriculture (DA).
Sa kabuuan, batay sa sa imbentaryong ginawa ng mga awtoridad, lumabas na maari humigit kumulang 44,000 sacks ng imported na asukal na may estimated value na 220M ang kanilang nakumpiska mula sa mga bodega sa Pampanga at Bulacan.
Ayon sa ahensiya, isang lalaki na nagngangalang Victor Teng Chua na siyang sinasabing may-ari ng warehouse sa Bulacan ay naimbitahan sa San Jose del Monte Police Station dahil sa kawalan ng SRA permit.