KAMAKAILAN lang, nagkaroon ng Career Con 2025 Job Fair sa SMX sa Pasay City.
Iyon nga lang, hindi ganoon kalaki ang ‘hired on the spot’ na mga dating manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), o ng Internet Gaming Licensees o IGLs na lumahok sa naturang kaganapan.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, may alok na humigit-kumulang 8,000 bakanteng trabaho ang naturang job fair. Tumagal ito ng dalawang araw, mula Enero 28-29, 2025.
18K displaced POGO workers ang nagparehistro o nagpahayag ng interes sa nasabing aktibidad, pero nasa 8K lamang ang dumating—higit 2K sa unang araw at lagpas 4K sa ikalawang araw.
Sa kabila ng libu-libong nakilahok sa naturang job fair, nasa mahigit 100 lamang na dating POGO workers ang hired on the spot.
Patuloy namang nag-reach out ang DOLE sa iba pang mga manggagawa ng POGO na nawalan ng trabaho dahil batay sa tala, humigit-kumulang 40K ang direktang naapektuhan na mga IGL worker kasunod ng pagsasara nito.
“Iyong nabanggit mo kanina doon sa JobStreet na jobs fair na bahagi ng partnership namin sa kanila ng DOLE, mga high-end iyon eh. So, hindi pa rin nga ganoon karami ang nag-participate,” wika ni Sec. Bienvenido Laguesma, Department of Labor and Employment.
Binanggit ng kalihim na mayroong tatlong posibleng dahilan kung bakit hindi ganoon karami ang nakiisa sa nasabing job fair.
Ani Laguesma, maaaring umaasa pa sila na mapalawig pa ang operasyon ng kanilang kompanya; o kaya’y maaaring mayroon na ring nakuhang trabaho ang iba; habang ang usapin na may kinalaman sa suweldo naman ang tinitingnan ng iba sa mga ito.
“Hindi nga po sila masyadong ganoon kainit ‘no. Maaari pong iyong mga nabanggit na kadahilanan kanina—nakakita na ng trabaho on their own, naliliitan sila sa suweldo,” aniya.
Una nang bumalangkas ang DOLE ng tinawag nitong ‘courses of action’ matapos magsara ang lahat ng uri ng enterprises na may kinalaman sa internet gaming license.
“Prinofile [profile] po namin iyon sa tulong ng kanilang employers. Ang pangunahing dahilan para ma-profile—gusto po naming makita ano ang lebel ng kanilang tinatanggap na suweldo, ano ang kanilang age bracket, ano ang kanilang kasanayan at ano ang potensiyal na puwede nilang mapuntahan ‘no,” ani Laguesma.