KINILALA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga arestadong suspek na sina Girish Fuego at Glenmore Banagan.
Ayon sa NBI, nakipag-ugnayan si Fuego sa mga biktima, nagpakilalang recruitment agent ng CPL Masters Recruitment Inc., at nangakong magpapadala ng skilled workers sa Austria na may buwanang sahod na P100,000.
Nagbayad ng mahigit isang daan (P166,600) ang isang biktima para sa mga bayarin tulad ng medical, processing fee, visa, insurance, at plane ticket. Ngunit, kalaunan ay sinabi ni Fuego na hindi na ma-isyu ang work permit sa Austria kaya’t ililipat na lamang ang deployment sa Croatia.
Si Banagan naman ang nagpakilalang kinatawan ng isang dayuhang recruitment agency na siyang maghahanap ng employer para sa mga aplikante. Kinuha niya ang mga pasaporte ng mga aplikante para umano sa visa application at Overseas Employment Certificates.
Pagkaraan ng mahigit isang taon na paghihintay, hindi pa rin naipadala ang mga biktima sa ibang bansa kaya humingi sila ng tulong sa Department of Migrant Workers (DMW).
Napag-alaman na hindi lisensiyado sina Fuego at Banagan at walang record of employment sa mga kumpanyang kanilang binanggit.
“Na-check na natin sa Department of Migrant Workers na hindi pala sila mga empleyado sa mga nasabing agency, although legit itong agency na ito,” pahayag ni Atty. Czar Eric Nuqui, Agent-in-Charge, NBI-Cavite North District Office.
Nagsagawa ng entrapment operation ang CAVIDO North noong Pebrero 27, ngayong taon, na nagresulta sa pagkaaresto kina Fuego at Banagan.
Ayon sa NBI, mayroon nang naunang kaso ng syndicated illegal recruitment sa mga korte ng Batangas at Marinduque ang mga suspek. Itinanggi naman ng mga suspek ang mga paratang.
“[Tanong:] Totoo po ba na recruiter kayo? Anong trabaho ninyo? Providing lang ng tao sa kanya?” wika ni Girish Fuego, Suspect.
“Sya ay pabalik-balik doon sa ahensya na kung saan naka-tie up ang stepfather ko po, which is foreign recruitment agency sa Croatia, so bale hindi ko pinapansin siya dahil naaawa ako at ilang taon na workers sa kanya bago niya ipinasa sa akin,” wika ni Glenmore Banagan, Suspect.
Haharap sina Fuego at Banagan sa inquest proceedings para sa paglabag sa Section 5 ng Republic Act 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, at sa estafa sa ilalim ng Article 315, paragraph 2(a) ng Revised Penal Code.
Hinihimok ng NBI ang ibang biktima na lumapit at magsampa ng reklamo dahil patuloy na dumarami ang bilang ng mga nagrereklamo bukod sa pitong una nang nagsampa ng kaso.
“The Director would also like to call on other victims of these two personalities to come forward and go to the office of Atty. Nuqui to file their respective complaints,” saad ni Ferdinand Lavin, Regional Director, National Bureau of Investigation.