SA kabila ng matinding responsibilidad at kaliwa’t kanan na pagbabantay upang mapanatili ang ligtas, mapayapa at maayos na Barangay and SK Elections sa rehiyon ng Visayas, hindi pa rin nahinto ang patuloy na pamamayagpag ng Visayas Command (VisCom) kontra sa CPP-NPA.
Ito ay matapos na muling nakalasap ng pagkatalo ang teroristang grupo nito lang nakaraang buwan ng Oktubre.
Ayon sa pamunuan ng VisCom, umabot sa walo ang kanilang naitalang government-initiated armed encounters na nangyari sa isla ng Visayas sa loob lang ng isang buwan.
Nagresulta ito sa pagkasawi ng miyembro ng teroristang grupong New People’s Army (NPA) at umabot sa 25 ang sumuko at nagbalik loob sa pamahalaan.
Sa nasabing bilang ng mga sumukong teroristang NPA, 19 dito ang regular na miyembro ng grupo, anim ang miyembro ng Milisyang Bayan.
Ito’y maliban pa sa 61 CPP-NPA supporters na binawi ang kanilang suporta sa komunistang grupo at nanumpa sa gobyerno.
Dagdag pa dito kasabay ng pagsuko ng mga dating miyembro at tagasuporta ng grupo ay isinuko rin ng mga ito ang kanilang mga armas.
Sa tala ng VisCom sa buong buwan lang ng Oktubre ay aabot sa 30 assorted firearms kasama ang anim na anti-personnel mines ang nabawi ng tropa ng pamahalaan.
Ayon kay Lieutenant General Benedict M. Arevalo PA at Commander ng VisCom, ang pagpuksa sa CPP-NPA sa Visayas Region ay mananatiling numero unong prayoridad nila.
Ito’y sa gitna ng kanilang mandato na suportahan ang Commission on Elections (COMELEC) nitong nagdaang eleksiyon.
“Expressed that their efforts against the CPP-NPA will never falter. Defeating the CPP-NPA in the Visayas Region remains on top of our list amidst our mandate to support the COMELEC in ensuring the success of the recently concluded Barangay and SK Elections,” ayon kay LtGen. Benedict M. Arevalo, Commander, VisCom.
Dagdag pa ng opisyal na hindi magmamaliw ang kanilang mga ginagawa laban sa CPP-NPA kasabay ng pagresponde nila sa panawagan ng taong bayan ng patas at pangmatagalan na kapayapaan sa buong rehiyon.
“Our efforts against the CPP-NPA will never falter, as we respond to the call of our people for just and lasting peace in the entire region,” ani Arevalo.